Dalawang pulis na kapwa naka-duty ang sugatan nang masagasaan ng isang nakatagay na motorcycle rider habang nagbabantay sa may southbound lane ng Quezon Boulevard, Quiapo, Manila nitong Sabado ng madaling araw, Enero 8, 2022.

Kapwa isinugod sa Chinese General Hospital ang mga biktimang sina PCpls Benjamin de Guzman, 47; at Ronel Yambao, 32, kapwa nakatalaga sa Manila Police District-Police Station 3.

Arestado naman ang suspek na si Ronald Asquivel, 35, internet installer/seller at residente ng 42 Kahunari St., San Jose, Navotas City.

Batay sa ulat ng MPD, naganap ang insidente dakong alas-2:30 ng madaling araw sa nabanggit na lugar, malapit sa Simbahan ng Quiapo.
Sa imbestigasyon ni PSSg Neil Mark E Mabasa ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU), lumilitaw na bago ang aksidente ay kapwa naka-duty ang mga biktima sa lugar at nagbabantay sa seguridad sa paligid ng Quiapo church, nang dumating ang suspek na sakay ng kulay gray na Yamaha Sporty Mio at may MV File No. 1336-0474485 at tinumbok ang dalawang pulis, na nagresulta sa pagkasugat ng mga ito.
Kaagad namang sinaklolohan ng kanilang kasamahang pulis at dalawa at isinugod sa pagamutan upang malunasan.
Inaresto naman ang suspek na nang isailalim sa alcohol breath test ay natuklasang positibo sa sa pag-inom ng alak.
Ang suspek ay nakapiit na at sinampahan ng kasong Reckless Imprudence Resulting in Multiple Physical Injuries at paglabag sa Republic Act 10586 o Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013.
Mary Ann Santiago