Ang sana’y inuman at kasiyahan ng grupo ng magbabakarda sa Quirino, Ilocos Sur ay nauwi sa pagkasawi ng kanilang isang kaibigan nang mahulog ito sa bangin na hindi bababa sa 10 metro ang lalim.
Batay sa ulat ng “Balitang Amianan” nitong nitong Huwebes, Enero 6, natukoy ang biktima bilang si Revin Sombredo, 20 taong-gulang at nagtatrabaho bilang construction worker.
Ayon sa kaanak ng biktima, tumayo umano si Revin sa kanyang mga kainumang barkada para magpaalam na iihi lang ito.
Nang sana’y babalik na sa kanyang mga kaibigan, “napatid” ang binatilyo dahilan para bumagsak ito sa 10 hanggang 15 metro lalim na bangin, kung saan nang mga oras na ‘yun ay wala ring bakod.
Dahil sa matinding pinsala sa ulo, hindi nakaligtas sa peligro si Revin at tuluyang nasawi.
Lumalabas na nasa impluwensya ng alak ang biktima ayon sa Quirino Police. Kasunod ng imbestigasyon, naniniwala rin ang kaanak ni Revin na aksidente at walang “foul play” ang nasabing insidente.