Kasunod ng pagpanaw ni National Artist for Literature F. Sionil Josenitong gabi ng Huwebes, Enero, 6, ilang manunulat ang nagpahayag ng kanilang pakikiramay at pag-alala sa iniwang legasiya nito.
Isa sa mga nagbigay ng pahayag gabi ng Huwebes ang batikang nobelista na si Lualhati Bautista kung saan “pamilya” ang turing sa yumaong manunulat.
“I just heard the news. F. Sionil Jose is no more. Given naman na 'yon, he might go any time because, after all, he is 97. If it's any consolation, at least he is said to have died in his sleep, quietly and painlessly. Pero ang sakit pa rin sa loob. I am grieving. Frankie remained my friend through all the 40 years we have known him and Tess. I love him and Tess. They are family,” ani Bautista.
“Rest now, Frankie. Yakap, Tess. Mahigpit na yakap,” dagdag niya.
Samantala, nalulungkot naman si Kapamilya Partylist first nominee at dating screenwriter ng ABS-CBN na si Jerry B. Gracio sa iniwang alaala ni Jose sa kanyang “huling sandali ng kanyang buhay.”
Ani Gracio, “maalala natin si F. Sionil ‘di dahil sa kanyang mga nobela, kundi sa pagkampi niya kay Duterte, pagpabor sa pagsasara ng ABS-CBN, at iba pang blunders sa mga huling sandali ng kanyang buhay.”
Matatandaan ang hayagang pagsuporta ng yumaong national artist sa ilang hakbang ni Pangulong Duterte sa pamamalakad ng bansa.
Nong Oktubre 2021, umani rin ng atensyon si Jose nang maghayag ito ng saloobin kaugnay ng pagkilala kay Rappler Chief Executive Officer Maria Ressa bilang kauna-unahang Pilipinong Nobel Peace laureate.
Sa isa pang tugon ni Gracio sa isang komento sa kanyang Facebook post, sinabi nitong sa halip na maalala bilang may-akda ng “Rosales Saga,” nakilala bilang isang “DDS who ranted about Maria Ressa's Nobel Prize” ang huling mga sandali ng buhay ni Jose.
Taong 2001 nang italaga ni noo’y Pangulong Gloria Macapagal Arroyo si Jose bilang National Artist for Literature para sa kanyang mga akda.