Ang inaasahang pagtaas ng bilang ng mga Pilipinong nakikipag-ugnayan sa libreng teleconsultation service ng Office of Vice President na “Bayanihan e-Konsulta” ang nag-udyok kay Vice President Leni Robredo na manawagan para sa higit pang mga volunteers upang pamahalaan ang inisyatiba.

Ito ang panawagan ni Robredo sa isang maikling video na ibinahagi sa kanyang mga social media account nitong Biyernes, Enero 7, habang inanunsyo niya ang muling pag-activate ng e-Konsulta program ay bilang bahagi ng mga pagsisikap ng kanyang tanggapan sa pagtugon sa coronavirus disease (COVID-19).

“Inaasahan natin na dadagsa ulit yung mga mangangailangan ng tulong sa e-Konsulta kaya I want to take this opportunity na manawagan ulit for volunteers,” sabi ni Robredo.

Umaasa ang Presidential aspirant na madoble ang mobilisasyon ng mahigit 4,000 na volunteers na nakiisa sa nakaraang pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa Metro Manila.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Noong huling surge sa Metro Manila, nagawa natin ito: 1,078 na doktor at 3,156 non-medical volunteers ang tumugon sa panawagan natin noon. Ganitong klaseng effort ulit ang kakailanganin natin sa harap ng surge na ito,” ani Bise-Presidente.

Sinabi ni Robredo na kailangan nila ang mga serbisyo ng mga medical at non-medical volunteers, kabilang ang mga lisensyadong mental health professional.

Sinabi rin niya na ang Swab Cab project, isang mobile free COVID-19 testing, ay na-reactivate na rin ang operasyon nito. Nagawa nitong magsagawa ng 400 Antigen test nitong Enero 6.

Sa 400 indibidwal na nasuri, 169 ang lumabas na positibo. Sa 231 na negatibong pagsusuri sa antigen, 94 ay para sa confirmatory tests para sa pagpapakita ng mga sintomas.

Iniulat din ni Robredo na patuloy silang nagbibigay ng COVID-19 anti-viral drug molnupiravir sa mga kwalipikadong pasyente sa tulong ng mga partner na ospital.

“Mag-message lang kayo sa e-Konsulta; kung kailangan, i-re-rekomenda kayo ng volunteer doctors natin para sa gamot na ito. Libre n’yong makukuha ito at ipapadala ang gamot sa inyo,” aniya.

Pinaalalahanan ni Robredo ang publiko na makipag-ugnayan sa e-Konsulta sa kanilang Facebook page para sa konsultasyon upang maiwasan ang pagpunta sa mga ospital.

Betheena Unite