Sarado muna pansamantala ang maternity ward ng Philippine General Hospital (PGH) bunsod nang pagdagsa ng mga COVID-19 patients at pagdami ng mga staff na dinadapuan ng virus.

Ayon kay PGH spokesperson Jonas Del Rosario, posibleng abutin ng 24 hanggang 48-oras ang pagsasara ng maternity ward upang mabigyan sila ng sapat na panahon para makapag-recalibrate at makapag-accomodate ng mas maraming pasyente.

“Pinapa-announce sa akin na sarado muna ‘yung paanakan ng PGH for the time being kasi kami ang binabagsakan ng manganganak na COVID. Maraming ospital na ayaw tumanggap ng COVID patient,” ayon kay Del Rosario, sa panayam sa radyo.

“Kasi dalawa po ang nangyari. Sumobra dami ng pasyente so kailangan namin i-discharge ‘yung iba tapos marami din nagkakasakit na staff, nahawa o nagka-COVID during the holiday,” ayon pa kay del Rosario.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

“Humingi ng tulong na ‘yung OB Department, nakikiusap po kahit siguro the next 24, 48 hours para lang medyo ma-recalibrate namin at makahanap kami ng malalagyan nila,” aniya pa.

Sinabi ni del Rosario na 20% ng kanilang hospital consultations ang nagpositibo sa COVID-19.

Iniulat rin ni del Rosario na mula sa 30 COVID-19 patients na kanilang na-admit noong Disyembre 25, ngayon ay mayroon na silang 230 pasyente.

“Opo, sumisipa ulit ang COVID at nararamdaman namin. We are now, as of the last count, we have 230 confirmed COVID patients na naka-admit sa PGH,” dagdag ni del Rosario.

Nabatid na 20% ng COVID-19 patients sa PGH ay nasa malalang kondisyon, 50% ang moderate cases, habang ang iba ay may mild symptoms lamang.

Kaugnay nito, umapela naman ni del Rosario ang publiko na kung bata-bata pa at wala namang comorbidity ay maaring mag-isolate na lamang sa bahay.

Maaari pa rin naman aniya nilang tulungan ang mga ito sa pamamagitan ng “TeleGabay Program” ng PGH.

“’Yung mga mild kung wala talaga silang comorbidity, lalo na ‘yung mga bata-bata, we advise them na isolation at home na lang at home management na lang through our TeleGabay Program at tutulungan na lang namin sila,” aniya pa.

Mary Ann Santiago