Cool na sinagot at sinupalpal ng magtatatlong buwan nang Kapusong si Kuya Kim Atienza ang patutsada sa kaniya ng isang basher sa Twitter na malamang daw ay wala nang nanonood sa kaniya, simula nang lumipat siya sa GMA Network noong Oktubre.
Simula kasi nang lumundag siya sa karibal na network ng kaniyang unang tahanan, ang ABS-CBN, kung saan nakilala siya at namagyapag ang career ng 17 taon, hindi na siya tinantanan ng mga basher na kumukuwestyon sa kaniyang loyalty, lalo't nakapagbitiw siya ng pahayag noon na hinding-hindi niya iiwanan ang network sa 'darkest moment' nito.
Ngunit sa isang panayam, sa kasagsagan ng kaniyang paglipat, sinabi niyang ang 'darkest moment' ng ABS-CBN ay noong 2020. Sa katunayan, may mga bagong pasabog daw ang Kapamilya Network sa 2022, na hindi niya puwedeng sabihin.
Anyway, ang tweet laban sa kaniya ng isang netizen ay "Di ka kawalan. Ano na kayang nangyari kay Atom, kay Kuya Kim, may nanonood ba sa palabas nila.. Hahaha."
Ang Atom na nabanggit ay ang award-winning journalist na si Atom Araullo na nauna nang lumipat noong 2017 sa Kapuso Network at nabigyan ng sarili niyang documentary program, na kinikilala rin sa ibang bansa.
Pambabasag ni Kuya Kim: "Hmmmmm parang meron pa naman last time I checked."
Marami naman sa mga netizen ang nagtanggol kay Kuya Kim at sinabi nilang mas napapanood nga nila ngayon si Kuya Kim dahil lumipat na ito sa Kapuso Network, na maituturing na largest network ng bansa na may prangkisa. Sa digital world kasi, namamayagpag ang ABS-CBN bagama't nakiki-angkla sila sa mga TV networks na may prangkisa gaya ng A2Z Channel 11 at TV5.
Para naman sa mga avid Kapuso viewers, nang lumipat sina Atom at Kim ay doon lamang nila nakilala ang dalawa. Mas nagkaroon pa raw ng parangal si Atom at mas nadagdagan pa ang mga shows ni Kuya Kim.