Nasa 52,000 pang senior citizen sa Metro Manila ang hindi pa bakunado laban sa COVID-19.

Kaugnay nito, tiniyak naman ng Department of Health (DOH)-National Capital Region (NCR) na higit pa nilang paiigtingin ang kanilang COVID-19 vaccination campaign upang mabakunahan ang mga naturang senior citizen, lalo na ngayong patuloy ang pagtaas ng COVID-19 cases sa rehiyon.

Ayon kay DOH-NCR Regional Director Dr. Gloria Balboa, susuyurin nila ang Metro Manila upang hanapin ang mga naturang matatanda na wala pa kahit isang dose ng bakuna.

Ani Balboa, bagamat 97% na ng mga senior citizen sa rehiyon ang bakunado na, mayroon pa aniyang nasa 52,000 sa mga ito ang kailangan pa bakunahan.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Gusto lang po natin na i-ramp up ang ating pagbabakuna sa ating mga senior citizen. Kasi meron pa po tayong hindi pa nababakunahan kahit isa man lang pong dose kaya yun yung gusto nating suyurin. May mga 52,000 pa po yan e na hinahanap po natin dito sa NCR,” ayon kay Balboa, sa panayam sa radyo.

Sinabi rin ni Balboa na maging ang mga kasama ng mga senior citizens na hindi pa nababakunahan ay maaari na ring turukan ng bakuna sa inoculation sites.

Ang mga bedridden naman na senior citizen na hindi makakapunta sa site ay pupuntahan aniya ng mga health workers sa kani-kanilang tahanan upang doon bakunahan.

“'Yung mga bedridden po, nahihirapan pumunta ng vaccination site, pupuntahan po sa kanilang bahay. 'Yun naman pong makakapunta, pati 'yung mga kasama nilang di pa bakunado babakunahan na rin,” ani Balboa, sa panayam sa telebisyon.

Maging ang mga senior citizen na maaari nang magpa-booster shot ay maaaari na rin aniyang magpabakuna.

Kailangan lamang aniya ng mga ito na magprisinta ng kanilang vaccination card upang may basehan kung ano ang mga bakunang naibigay sa kanilang primary series o yaong dalawang unang doses ng bakuna na naiturok sa kanila.

Tiniyak naman ni Balboa na maging ang mga matatanda na mula sa ibang rehiyon ay maaari ring magpabakuna sa metro Manila at tumatanggap rin sila ng mga walk-in vaccinees.

Una nang sinabi ng DOH na mahalagang mabakunahan ang vulnerable sectors, gaya ng mga matatanda, persons with comorbidities at health workers dahil sa panibagong surge ng COVID-19 na nagaganap ngayon sa bansa, na pinaniniwalaang dulot ng mas nakahahawang Omicron variant.

Mary Ann Santiago