Sa kabila pagkabahala ng ilang human rights groups sa loob at labas ng bansa sa mga pagpatay na may kaugnayan sa droga, nanindigan si Pangulong Duterte na hindi siya hihingi ng tawad para sa mga napaslang kaugnay sa kaniyang madugong drug war.

Sa kanyang pahayag kamakailan, sinabi ni Duterte na "hindi siya hihingi ng tawad" para sa mga pagkamatay ng mga sangkot sa aktibidad ng ilegal na droga.

“Pero ‘yan ang sabi ko , I will never, never apologize for the death of those bastards. Patayin mo ako, kulungin mo ako, p***** i**,” sabi niya sa isang “Talk to the People episode noong Martes ng gabi, Enero 4.

Paliwanag ng Punong Ehekutibo, walang paghingi ng tawad na magmumula sa kanya dahil sa ito ang kanyang pangako, ang kampanya laban sa ilegal na droga at kriminalidad.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Matatandaan noong 2016, nanalo si Duterte sa pangakong bubuwagin niya ang kriminalidad at droga sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan.

Isa sa kanyang mga unang utos pagdating sa Malacañang ay bumuo ng kampanyang Oplan Tokhang na, gaya ng sinasabi ng mga kritiko, ay humantong sa libu-libong extrajudicial killings, na karamihan ay mga small-time na nagbebenta ng droga. Kasama rin sa mga nasawi sa digmaang droga ang mga menor de edad at mga sanggol.

Ang madugong drug war ay humantong sa pagsasampa ng kasong crimes against humanity laban kay Duterte sa International Criminal Court (ICC), na inaasahang magpapatuloy sa imbestigasyon sa lalong madaling panahon.

Ibinahagi ng Pangulo na nag-aalok siya ng tulong sa mga pulis at militar na kinasuhan alinsunod sa kanilang pagsasagawa ng mga tungkulin.

“Try being the policeman. Hindi madali, tapos mademanda pa ‘yung mga pulis. Marami diyan nademanda sa ano,” sabi ng Pangulo.

“So I’m helping them. Every military or police officer who is facing charges for a crime connected with the performance of his duties, tinutulungan ko. Wala akong —without exception,” ani Duterte.

Humigit-kumulang 6,117 ang pinaghihinalaang nagbebenta at gumagamit ng droga ang napatay sa ngalan ng digmaang droga ng gobyerno noong Abril 2021, ayon sa mga opisyal na tala.

Gayunpaman, sinabi ng mga aktibista ng karapatang pantao na ang aktuwal na bilang ay maaaring umabot sa 30,000.

Muling iginiit ng Pangulo na hindi niya kinikilala ang ICC at haharap lamang siya sa Philippine Court na may Filipino judge.

“Trial tayo, pero ako I’m a Filipino. If I go to jail, I go to Bilibid, Pilipino ako eh. If there is somebody who would try me, it should be a judge who is a Filipino because I’m a Filipino,” sabi niya.

Pinahintulutan ng ICC ang pagsisiyasat sa drug war ng administrasyong Duterte ngunit kalaunan ay ipinagpaliban ito.

Raymund Antonio