Nakikipag-ugnayan na ang Department of Health (DOH) sa mga health expert kaugnay ng paggamit ng antigen self-test kits para sa pagtukoy ng virus na nagdudulot ng coronavirus disease (COVID-19).

“Inaantay natin ang rekomendasyon ng ating Technical Advisory Group of Experts. Kasi sa ngayon ang antigen test kits ginagamit in a laboratory setup. Hindi pa siya home-use,” ani Health Secretary Francisco Duque III sa isang public briefing nitong Miyerkules.

“So, inaantay natin ang rekomendasyon kung ano ang mga dapat malagay sa guidelines para hindi magkamali ang pagbasa o pag interpret ng resulta kung gagamitin ang antigen test kits—self administered,” dagdag ng opisyal.

Bukod sa mga health expert ng bansa, sinabi ni Duque na nakikipag-ugnayan na rin ang DOH sa Food and Drug Administration (FDA) hinggil sa usapin.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Samantala, para kay infectious disease expert na si Dr. Rontgene Solante, aprubado niya na gumamit ng antigen self-administered test kits upang mapabilis ang pagtukoy ng mga nahahawaan ng COVID-19.

“I advocated for home testing, especially those with symptoms,” sabi ni Solante sa isang town hall event nitong Miyerkules.

“The advantage there, if you are symptomatic and you get the test and you are positive, you can isolate yourself, can do contact tracing early on, and prevent the transmission….compared to going out and having the RT-PCR,” dagdag niya.

Noong Enero 4, nakapagtala ang Pilipinas ng 5,434 na bagong kaso ng COVID-19, kaya umabot na sa 29,809 ang kabuuang bilang ng aktibong impeksyon sa bansa.

Mula nang magsimula ang pandemya noong 2020, ang kabuuang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng Pilipinas ay nasa 2,861,119—kung saan 2,779,706 na mga pasyente ang naiulat na gumaling, habang 51,604 katao ang namatay.

Analou de Vera