Inanunsyo ng lokal na pamahalaan ng Makati City nitong Martes, Enero 4 na maaari na ngayong makakuha ng kanilang mga booster jab laban sa COVID-19 kahit ang mga hindi residente sa alinmang vaccination sites sa lungsod habang ang bansa ay nahaharap sa muling pagsirit ng impeksyon na dulot ng Omicron at Delta coronavirus variants.
Sa panayam ng ANC, sinabi ni Makati City Mayor Abby Binay na pinapayagan na ng lungsod ang walk-in para sa mga hindi residente na gustong makatanggap ng kanilang booster shots.
“Kailangan mo lang mag-register sa portal since we don’t have your record. So mag-register ka muna online, tapos after that, pwede ka nang mag-walk in. Or kung hindi ka nag-register online, you will have to register on site,” Binay said.
“May capacity tracker pa nga kami para malaman mo kung aling vax site ang mas kakaunting tao at kung anong mga vax sites ang dapat mong iwasan. Mayroon kaming ganoong feature sa aming Facebook page,” dagdag ng alkalde.
Ayon sa ulat ng Makati Health Department, mayroon na ngayong 257 active COVID-19 cases ang lungsod mula noong Enero 3. Idinagdag nito na 44,218 ang nakarekober habang 989 ang namatay mula sa coronavirus.
Mula noong Disyembre 29, nakapag-deploy ng 1,020,773 COVID-19 vaccines, at 47,011 booster shots ang pamahalaang lungsod ng Makati.
Patrick Garcia