Nakiisa sa isang virtual move-a-thon ng “Frontliners For Leni” ang award-winning actress na si Angel Aquino nitong Martes, Enero 4 na naglalayong lumikha ng kamalayan at pangangalap ng suporta para sa presidential bid ni Vice President Leni Robredo, gayundin ang paglikom ng pondo para sa mga komunidad na nasalanta ng Bagyong “Odette.”

Ang "Takbo ng Pag-asa para sa Bayan," na nagsimula noong Disyembre 8 at magtatapos sa Miyerkules, Enero 5, ay humihikayat ng mga kalahok na "tumakbo, maglakad, o magbisikleta" nang mag-isa.

Angel Aquino via Facebook

Tsika at Intriga

Marc Nelson, nagsalita matapos madawit sa legal battle nina Maggie Wilson-Victor Consunji

Sa isang Instagram post, sinabi ni Aquino na ang aktibidad ay naglalayon din na lumikha ng kamalayan, itaguyod ang mabuting kalusugan at makalikom ng pondo na ilalaan para sa mga medical mission at outreach program ng “Frontliners For Leni.”

“Simulan natin ang araw na may Pag-asa. Tumakbo, maglakad at magbisikleta na para sa bayan,” dagdag niya.

Hinimok ng aktres ang publiko na dalhin ang kanilang pamilya at mga kaibigan sa event dahil libre ang pagpaparehistro at bukas pa ito hanggang Miyerkules.

“The more, the merrier!” sabi ng aktres.

Ang mga kalahok ng inisyatiba ay maaaring gumamit ng kanilang sariling GPS app, fitness watch, ordinaryong relo, cellphone na may timer, pedometer (step counter), treadmill, o bike trainer upang itala ang ruta at oras.

Ang mga kalahok ay kailangang magpadala ng screenshot ng ruta, larawan ng app o fitness watch, larawan ng treadmill o bike trainer dashboard para makuha ang kanilang e-certificate.

Maaaring magpadala ng mga larawan ng kanilang relo, timer, o cellphone at selfie habang tumatakbo, naglalakad, o nagbibisikleta ang mga walang gadget.

Ayon sa organizers, ang bahagi ng kikitain ay gagamitin din para sa relief efforts ng Frontliners For Leni para sa mga biktima ng Bagyong Odette, gayundin sa mga medical mission at outreach program ng grupo.

Ang mga pondo ay kokolektahin mula sa mga nalikom na mga benta ng mga add-on na limited edition at maaaring bilhin ng mga kalahok.

Ilan sa mga merchandise ay pin buttons, caps, drawstring bags, umbrellas, event shirts, medals, runner dolls, windbreaker, flip belts, at Rudy Project pink shades.

Raymund Antonio