Pansamantala na rin munang pagbabawalang sumakay ang mga hindi bakunadong indibidwal, mga menor de edad at mga senior citizen sa mga pampublikong transportasyon sa Metro Manila na nasa ilalim na ngayon ng Alert Level 3 dahil sa mabilis na pagtaas ng mga naitatalang bagong kaso ng COVID-19.
Ayon sa Department of Transportation (DOTr), ang naturang prohibisyon ay alinsunod na rin sa resolusyon na inisyu ng Metro Manila Council (MMC) atsakop nito ang land, sea, at air public transport.
Anang DOTr, papayagan lamang ang mga hindi bakunado na sumakay sa mga pampublikong transportasyon kung ang kanilang lakad ay may kaugnayan sa pagbili ng mga pangunahing pangangailangan at serbisyo.
Gayunman, dapat na makapagpakita sila ng katibayan na susuporta at magbibigay ng justification para sa kanilang pagbiyahe.
Anang DOTr, ang mga menor de edad, mga senior citizens, buntis at mga may comorbidities ay bawal na rin munang sumakay sa mga pampublikong transportasyon, kahit na sila ay bakunado na.
“The Department of Transportation (DOTr) recognizes and fully supports the Resolution issued by the Metro Manila Council, which was approved by the Mayors of the cities and municipality in the National Capital Region, to temporarily prohibit unvaccinated individuals from travelling domestically via land, sea and air public transport, except for the procurement of essential goods and services, subject to the production of proof to support and justify such travel,” anang DOTr, sa isang pahayag.
“The same prohibition is likewise applicable to individuals aged 17 and below, senior citizens, pregnant women, and persons with comorbidities. This prohibition will be enforced while Metro Manila is under Alert Level III,” dagdag ng DOTr.
“The DOTr and its attached agencies shall closely coordinate with the Metropolitan Manila Development Authority on the enforcement of the said policy,” pahayag pa ng DOTr.
Matatandaang kahit nasa Alert Level 3 na ang NCR simula Enero 3 hanggang 15, 2022 ay nananatili pa rin ang 70% passenger capacity sa mga pampublikong transportasyon.
Ang mga lalawigan naman ng Cavite, Bulacan at Rizal ay isasailalim na rin sa Alert Level 3, simula Enero 5 hanggang 15, 2022.
Binalaan naman ng DOTr ang mga operators na tiyaking nasusunod ang maximum capacity upang hindi mapatawan ng multa at pagka-impound ng kanilang mga sasakyan.
Mary Ann Santiago