Nakapagtala na ang Department of Health (DOH) ng kumpirmadong kaso ng stray bullet injury o pagkasugat dahil sa ligaw na bala, kaugnay sa pagdiriwang ng Bagong Taon.

Batay sa pinakahuling Fireworks-Related Injury Surveillance na inilabas ng DOH nitong Martes, nabatid na ang biktima ng ligaw na bala ay naiulat noong Enero 1, 2022 sa Philippine National Police (PNP), at nakuha naman ng DOH noong Enero 3 lamang.

Ang biktima ay isang 23-anyos na lalaki mula sa Muntinlupa City na tinamaan ng ligaw na bala noong Disyembre 31, 2021 o bisperas ng Bagong Taon.

Kumuha lamang umano ng litrato sa kalsada ang biktima kasama ang mga kaibigan nang tamaan ng ligaw na bala.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Binigyan siya ng paunang lunas sa bahay at saka dinala sa Muntinlupa Medical Center.

Malaunan ay ini-refer siya sa UP-PGH kung saan siya sumailalim sa operasyon.Sa kasalukuyan ay nagpapagaling pa ang biktima.

Samantala, umakyat na sa 173 ang mga FWRI na nairekord ng DOH matapos na makapagtala pa ng anim na kaso hanggang alas-6:00 ng umaga nitong Martes.

Wala pa rin namang napaulat na firework ingestion o nasawi dahil sa paputok.

Nasa 39 naman sa mga kaso ng pagkasugat dahil ay dahil sa kwitis, habang 26 ay dahil sa walang label o hindi batid na uri ng mga paputok; at ang ibang FWRI ay dahil sa boga, 15 na kaso; luces, 13 na kaso; at 5-star, 12 na kaso.

Nasa 57 naman sa mga biktima ay nadale sa kamay; habang ang iba ay sa mata, 45 na kaso; ulo, 24 na kaso; braso, 20 na kaso; at binti, 19 na kaso.

Ang 67 naman sa mga kaso o 39% ay naganap sa National Capital Region (NCR) at 125 o 73% ay mga lalaki.

Mary Ann Santiago