Balik-pelikula na ang senador na si Lito Lapid para sa pelikulang 'Apag (Hapag)' kasama sina Coco Martin at Gladys Reyes, sa direksyon ng award-winning director na si Brillante Mendoza.
Noong Disyembre 29, 2021 ay nagdaos siya ng thanksgiving lunch sa entertainment writers kasama ang anak na si Tourism officer Mark Lapid at Howard Guintu na first nominee ng Pinuno Partylist.
Bukod sa pelikula, sumentro din ang usapan sa kaniyang katungkulan bilang senador. Aminado si Lito na hanggang ngayon ay marami pa ring lumilibak sa kaniyang kakayahan bilang isang mambabatas, kahit na nakaka-tatlong termino na siya. Sinabi rin niyang takot din siyang makipag-debate sa senado dahil pawang mga abogado ang kasama niya. Hindi rin umano siya mahusay sa Inglisan.
“Marami namang magagaling na artista (na politiko). Siguro, isa ako sa kinukutya dahil hindi naman ako nakapag-aral. Dahil high school graduate lang ako, hindi ako marunong mag-English at hindi ako marunong makipag-debate sa mga magagaling dahil puro abogado ‘yun,” sey ng senador.
Sa kabilang banda ay nagpapasalamat umano si Lito sa mga botante na patuloy na sumusuporta sa kaniya. Alam naman daw ng taumbayan kung mabuti o hindi ang isang politiko.
"Nakakatatlong term na ako sa Senado. Bihira ho ang makatatlong term or second term na mananalo ka bilang senador kung wala kang ginawa na mabuti. Malalaman naman ng tao kung may ginagawa ka o wala."
Anyway, balak umano ni Lito na gumawa pa ng pelikula ngayong 2022 bilang pagtanaw ng utang na loob sa industriyang nagluwal sa kaniya, lalo't tila lumalamlam ang pelikulang Pilipino sa kasalukuyan, dulot na rin ng pandemya.
Batay sa website ng senado, simula nang naupo siya bilang senador ay nakatha niya ang Meat Labeling Act of 2011, Comprehensive Unilateral Hearing Loss Research and Development and Rehabilitation Act, Urban Agriculture and Vertical Farming Act, Corporate Social Responsibility Act, Kindergarten Education Act, Adopt-A-Wildlife Species Act, at iba pa.
Siya rin ay naging Chairman ng Senate Committee on Games, Amusement and Sports.
"He saw to it that measures are in motion to sufficiently ensure the development of sports in the grassroots, seeing to it that the youth develop a keen interest in participation in sports competition. He looks forward to further coordination between concerned government agencies so that appropriate support is afforded to the national sports development program," nakasaad sa kaniyang profile sa senate website para sa 18th Congress.
"In his first year at the helm of the Senate Committee on Tourism, he has initiated initiatives to oversee the development of the tourism potential of the country and gather the tools to ensure the country’s success as it joins the tourism race with our Asian neighbors," dagdag pa.