Pansamantalang sarado ang Quiapo Church o ang Minor Basilica of the Black Nazarene sa Quiapo, Manila, simula ngayong Enero 3 hanggang Enero 6, 2022 bunsod na rin umano nang muling pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa Maynila.

Sa isang video message, ipinaliwanag ni Father Douglas Badong, ang vicar ng Minor Basilica of the Black Nazarene, na ang naturang desisyon ay bahagi aniya ng preventive measure at pakikiisa ng Simbahan ng Quiapo upang maiwasan ang higit pang paglaganap ng COVID-19.

Sa naturang panahon ay bibigyang-daan din aniya nila ang disinfection o paglilinis sa loob ng simbahan, at sa paligid nito bilang paghahanda sa Traslacion 2022.

Kaugnay nito, umapela si Badong sa mga deboto na huwag munang magtungo sa Simbahan ng Quiapo.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sa halip ay maaari aniyang dumalo na lamang muna ang mga ito sa kanilang isinasagawang mga online masses.

Aniya, muling magbubukas ang Quiapo Church sa Enero 7, o dalawang araw bago ang Pista ng Poong Itim na Nazareno sa Enero 9.

Panawagan ng pamunuan ng Simbahan, makiisa sana ang lahat upang maiwasan ang pagkalat pa ng COVID-19, at upang maipagdiwang ng ligtas ang naturang Pista.

Payo na rin ni Father Badong sa mga tao, magpabakuna at magpa-booster shot laban sa COVID-19 at magpalakas ng resistensya upang makaiwas na mahawaan ng virus. 

Mary Ann Santiago