Positibo sa coronavirus disease (COVID-19) si Navotas Mayor Tobias “Toby” Tiangco, pag-aanunsyo ng alkalde nitong gabi ng Linggo, Enero 2.
“Ikinalulungkot ko pong ipaalam sa lahat na base sa RT-PCR test, ako po ay postibo sa COVID-19,” pagsaad ni Tiangco sa isang Facebook post nitong Linggo.
“Ako po ay humihingi ng paumanhin sa lahat ng aking nakaharap noong nakaraang mga araw at nakikiusap na obserbahan nang mabuti ang inyong kalusugan. Kung meron kayong nararamdamang kakaiba, sumangguni po agad sa doctor,” dagdag niya pa.
Noon pa’y maingat na ang alkalde dahil sa kanyang pagiging immuno-compromised dala ng severe asthma. Maalalang binatikos pa ang alkalde noong 2020 sa kanyang hindi pag-uulat sa opisina sa kabila ng pagpapaalam ng kanyang kondisyon sa mga kinauukulan.
“Dahil sa aking pagiging immuno-compromised at dahil sa aking severe asthma, madalas po akong mag-self antigen test. Kahapon negative po ang antigen ko, pero kaninang tanghali ay nagpositive ako kaya agad po akong nagpa-RT-PCR test,” ani Tiangco.
Sasailalim sa 14-days isolation ang alkalde ngnunit nangako itong magsisilbi pa rin sa lungsod sa abot ng kanyang makakaya.
Sa huli, hinimok ni Tiangco ang lahat na “maging doble o triple sa pag-iingat, gawin ang health and safety protocols at magpabakuna o booster.”
Kagaya ng ilang lungsod sa Metro Manila, mabilis din ang nakitang pagtaas ng kaso sa lungsod ng Navotas nitong mga nagdaang araw.
Nitong Linggo, sumirit muli sa kabuuang 345 na aktibong kaso ang naitala sa lungsod.