Ipinag-utos na ni Manila Mayor Isko Moreno ang pagbabawal sa mga hindi bakunadong indibidwal na pumasok sa malls, maging bata man o matanda, kasunod na rin nang pagdami muli ng mga naitatalang bagong kaso ng COVID-19 sa lungsod.

Ang kautusan ay inanunsyo ni Moreno, na siya ring standard bearer ng partido Aksyon Demokratiko sa 2022 presidential elections, sa kanyang Facebook Live nitong Linggo ng gabi.

Ayon kay Moreno, inabisuhan na niya ang mga mall managers na huwag papasukin ang mga hindi bakunado sa kanilang establisimyento. 

Aniya, bata man o matanda, hindi makakapasok sa loob ng mga malls sa lungsod kung walang maipapakitang mga vaccine card.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ito rin aniya ang magiging patakaran pagdating sa mga pampublikong sasakyan subalit ipinaubaya na ng alkalde kay Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos ang pagbibigay ng karagdagang detalye hinggil dito.

Umaasa naman si moreno na tatalima ang mga mall managers sa kanyang polisiya para sa kaligtasan ng nakararami. 

Samantala, inatasan rin ng alkalde ang Manila Barangay Bureau (MBB) at Manila Police District (MPD) na mahigpit na ipatupad ang curfew sa mga menor de edad simula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng madaling araw. 

Kanselado na rin muna aniya ang lahat ng face to face classes sa lungsod simula ngayong Lunes, Enero 3, subalit magpapatuloy ang online classes. 

Ang mga empleyado naman sa Manila City Hall ay balik sa 30% operational capacity, maliban sa MDSW, MDRRMO, MHD at Business Permit Office. 

Nilinaw din ni Moreno na hindi pa bukas ang Manila Zoo at hihintayin pa na mabuo ang website kung saan maaaring magparehistro ang mga nais bumisita upang matiyak na hindi dadagsa ang mga tao. 

Mary Ann Santiago