Inatasan ng Department of Transportation (DOTr) nitong Linggo ang mga kumpanya ng bus, PUV operator at transport terminals sa National Capital Region (NCR) na tiyaking mahigpit na ipatutupad ang health at safety protocols ngayong nasa ilalim na ang rehiyon sa Alert Level 3 dahil sa patuloy na pagdami ng mga bagong kaso ng COVID-19.

Sa isang memorandum, pinaalalahanan ng Land Transportation Office (LTO) ang mga land-based transportation stakeholders na bantayang mabuti ang kanilang mga driver at konduktor, at tiyaking mahigpit silang tumatalima sa health protocols partikular na ang 70% maximum passenger capacity sa mga public utility vehicles (PUV).

Naglabas din naman ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng memorandum, na nananawagan sa mga PUV operator, driver at pasahero na sundin ang 7 Commandments for Public Transport, gayundin ang 70% maximum passenger capacity order sa mga PUV.

Babala ng LTFRB, ang hindi pagsunod sa mga health protocol sa mga PUV o ang paglabag sa 70% maximum passenger capacity order ay itinuturing na paglabag sa kundisyon ng prangkisa.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nabatid na ang mga parusa para sa paglabag sa mga kondisyon ng prangkisa ng PUV ay mula sa pagbabayad ng malaking multa hanggang sa pag-impound ng sangkot na PUV.

Binalaan din ng LTFRB ang mga PUV driver na hindi magpapatupad ng 70% maximum passenger capacity rule, gayundin ng mahigpit na health protocols sa kanilang mga sasakyan, na maaaring masuspinde ang kanilang driver’s license.

Ang mga lalabag na tsuper ay maaari ding maharap pa sa karagdagang mga criminal complaints.

Ipinaliwanag ni Transportation Secretary Art Tugade na ang 70% maximum capacity ng pasahero ay mananatili sa NCR para makasabay sa demand para sa public transport services.

Ayon kay Tugade, ang anumang pagsasaayos o pagbabago ng pinapayagang maximum na kapasidad ng pasahero sa pampublikong transportasyon ay sasailalim sa gabay ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF).

“With the continued rise of COVID-19 cases in NCR, the DOTr enjoins our land-based transport operators to remind passengers to strictly observe minimum health protocols and ensure that the maximum allowable passenger capacity is followed,” dagdag pa ng kalihim.

“We cannot let our guard down. Following the government’s minimum health protocol is for our greater good. We must remain vigilant so we can reverse the uptick of cases in the country,” aniya pa.

Mary Ann Santiago