Ang pangunahing programang Angat Buhay ni Vice President Leni Robredo ay nakatulong sa 622,000 pamilya sa 223 lungsod at munisipalidad sa buong bansa mula nang maupo siya noong 2016.

Ayon sa yearend report mula sa Office of the Vice President (OVP), ang mga pamilya ay natulungan ng Angat Buhay gamit ang mahigit P520 milyong halaga ng tulong, karamihan ay mga donasyon mula sa pribadong sektor.

Vice President Leni Robredo

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ang tanggapan ni Robredo ay nakipagtulungan sa 372 organisasyon sa pagpapatupad ng programa nito sa pagsugpo sa kahirapan sa nakalipas na lima at kalahating taon.

Ang programang Angat Buhay, na inilunsad noong Oktubre 2016, ay nakatuon sa anim na key advocacy areas katulad ng: pampublikong edukasyon, rural development, food security at nutrisyon, women empowerment, universal healthcare, at housing and resettlement.

Sinasaklaw din nito ang tulong sa sakuna at rehabilitasyon at pagtugon sa pandemya ng coronavirus disease (COVID-19).

Ang pangunahing programa ng OVP na nakatuon sa pag-aangat ng buhay ng mga pamilyang Pilipino mula sa kahirapan ay sumasalamin sa pananaw ni Robredo para sa bansa sa kanyang pagpupursige bilang pangulo ngayong darating na halalan.

“Meron na tayong vision na kapag tayo ay binigyan ng pagkakataon, ito ‘yung Pilipinas na inaasahan natin: na ‘yung mga naiiwan ay inaakay, ‘yung mga nadadapa, binibitbit. ‘Yung mga blessed ay sini-share yung blessing sa iba,” sabi ni Robredo.

Noong Disyembre 2021, sinabi ng OVP na nakapagbigay ito ng P146.83 milyon na donasyon mula sa pribadong sektor at P85.25 milyon na tulong para sa mga naapektuhan ng pagsabog ng bulkang Taal at ng Bagyong Nina at Odette.

Sa pagtugon sa COVID, nakapag-test ang tanggapan ni Robredo ng 9,757 katao sa mga komunidad sa pamamagitan ng Swab Cab nito at pinondohan ang 35,656 extraction at detection kit para tumulong na matukoy ang mga nahawaang pasyente.

Inilunsad din ng OVP ang Bayanihan E-Konsulta, Vaccine Express, Community Learning Hubs, at Community Mart upang suportahan sa pagtugon ng pandemya ang pambansa at lokal na pamahalaan.

Nakipagmobilisa rin ang Angat Buhay ng P82.14 milyon halaga ng mga proyektong pangkalusugan sa 124 na lokalidad, tulad ng mental health facility sa San Remigio, Cebu, na nabigyan din ng x-ray machines at mga gamot sa tulong ng mga pribadong partner.

May 44 na proyekto na nagkakahalaga ng P39.49 milyon ang sinimulan upang tugunan ang malnutrisyon, kabilang dito ang feeding program kung saan 800 na mga bata ang nakinabang sa Lambunao, Iloilo.

Nagbigay din ang programa ng mga scholarship at skills training sa mahigit 120 kabataang Pilipino at umabot sa 138 kababaihang negosyante sa buong bansa sa aspeto ng mga oportunidad sa kabuhayan, kabilang ang startup capital at mentoring mula sa mga eksperto.

May kabuuang P15.39 milyon na halaga ng tulong pangkabuhayan ang naibigay din sa 156 na mangingisda, magsasaka, mananahi, maliliit na negosyante, at rider katuwang ang 33 accredited civil society organizations.

Nakinabang din ang home region ni Robredo sa Bicol at Marawi City sa programang pabahay ng Angat Buhay. Ang BAHAYanihan program sa Bicol ay naglaan ng P15.4 milyon para sa construction materials para sa mga taong nakatira sa danger zones, habang ang mga donasyon mula sa pribadong sektor ay nagbigay-daan sa pagtatayo ng 72 transitory shelters para sa mga residenteng nawalan ng tirahan matapos ang Marawi siege.

Raymund Antonio