Nakapagtala pa ang Department of Health (DOH) ng 14 pang karagdagang fireworks-related injuries (FWRI) sa bansa, sanhi upang umabot na sa 167 ang kabuuang bilang ng mga nabiktima ng paputok sa pagsalubong ng taong 2022.

Nabatid na naitala ng DOH ang naturang bilang hanggang 6:00 AM ng Lunes, Enero 3.

Ayon sa DOH, ito ay mas mataas ng 39% kumpara sa 120 kaso lamang na naitala sa kahalintulad na petsa noong taong nakalipas na taon.

Gayunman, mas mababa ito ng 59% kumpara sa five-year average sa kahalintulad na panahon na may 403 kaso.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Anang DOH, sa naturang 167 kaso,65 o 39% ang mula sa Metro Manila; 25 ang mula sa Region I; 23 ang mula sa Region VI; 13 mula sa Region III; pito mula sa Region V; tig-anim mula sa Calabarzon, Region VII, at BARMM; tig-lima mula sa Region II at Region XII, tatlo mula sa CAR; dalawa mula sa Region XI; at isa mula sa Region IX.

Sa mga naturang kaso, 120 o 72% ang lalaki.

Nasa 17 kaso naman ang nabiktima ng blast o burn injuries na nangangailangang maputulan ng naputukang bahagi ng katawan, 110 kaso ang hindi nangangailangan ng amputation, at 44 kaso ang nagtamo ng eye injuries habang apat na kaso naman ang nagtamo ng iba’t ibang uri ng pagkasugat.

Nasa kabuuang 75 naman mula sa 167 kaso ang aktibong gumamit ng paputok.

Ang nangungunang limang uri ng paputok na ginamit ay kwitis na may 37 kaso; boga na may 15 kaso; luces na may 13 kaso; 5-star na may 12 kaso; habang 25 kaso naman ang hindi alam ang uri ng paputok na ginamit.

Wala namang naiulat na insidente ng firework ingestions, gayundin ng insidente ng ligaw na bala o stray bullet injuries.

Mary Ann Santiago