Iniimbestigahan na ng Department of Tourism (DOT) ang napaulat na isa pang kaso ng paglabag sa quarantine protocol ng isa ring babaeng nagmula sa United States na inaresto na kaugnay ng usapin.
Binanggit ni DOT Secretary Bernadette Romulo-Puyat nitong Lunes, kaagad na dumiretso sa kanyang condominium ang nasabing babae matapos manggaling ng Amerika kahit hindi sumailalim sa mandatory isolation.
Nabisto ng mga awtoridad ang insidente nang i-post ito ng babae sa kanyang social media account.
“She didn’t even check in a hotel, she just said that she checked in this hotel but it showed that she never even checked in a hotel, dumiretso sa condo niya," sabi ni Romulo-Puyat na hindi na isinapubliko ang pagkakakilanlan.
Nagawa aniyang madakip ng babae batay na rin sa isang sinumpaang salaysay ng isang concerned individual na iniharap sa DOT na nagkumpirma naman sa insidente.
Nagpamasahe pa umano ang babae at ikinalat pa niya ito sa social media.
“She showed the picture that she just arrived, then she showed a picture of her condo, and that night she showed na nagpapamasahe na siya in her condo. Proud na proud pa siya na she skipped quarantine," paliwanag ni Romulo-Puyat.
Aminado naman aniya ang babae na nagawang kasalanan.
“I gave [the details] already to the BOQ (Bureau of Quarantine) and the DILG (Department of Interior and Local Government) and I will leave it up to them,” pahayag ng opisyal.
Kamakailan, kumalat sa social media ang insidente ng pagsaway ni Gwyneth Ann Chua sa quarantine protocols matapos umanong tumakas sa isang hotel sa Makati kung saan ito naka-mandatory isolation matapos manggaling ng Estados Unidos nitong Disyembre 22.
Kinabukasan ay nakipag-party si Chua at natuklasan lamang itong nahawan ng virus nang lumabas ang kanyang COVID-19 test nitong Disyembre 27.
Alexandria Dennise San Juan