Aabot sa kabuuang 20,931 nakumpiskang paputok na nagkakahalaga ng ₱170,775 sa iba't ibang lugar sa katimugang Metro Manila ang winasak sa Southern Police District (SPD) headquarters sa Taguig City, nitong Lunes, Enero 3.
Pinangunahan ni SPD chief, Brig. General Jimili Macaraeg ang ceremonial destruction ng mga paputok sa SPD Grandstand Lawton Avenue, Fort Bonifacio sa nasabing lungsod dakong 9:00 ng umaga.
Sa ginanap na seremonya,ang mga paputok ay inilublob sa drum na may tubig upang maiwasang marecycle ulit.
Ang mga nasabing illegal pyrotechnics ay kinumpiska dahil sa paglabag sa Republic Act 7183 (An Act Regulating the Sale, Manufacture, Distribution and Use of Firecrackers and other Pyrotechnic devices) at ng Ordinance No. 14-092 (Selling of Firecrackers).
Sinabi ni Macaraeg na ang mga nakumpiskang ilegal na paputok ay resulta ng mga pinagsamang hakbang ng SPD Police Stations sa pamamagitan ng pinaigting na kampanya ukol sa ilegal na pagbebenta at paggamit ng firecrackers.
Nakapagtala ang SPD ng 10 firecracker incidents nitong Disyembre 29, 2021 hanggang Enero 2, 2022.
Idinugtong pa ng District Director na ang SPD ay patuloy sa kanyang police operations at information dissemination laban sa paggawa at pagbebenta ng ilegal na mga paputok.
Dumalo sa naturang aktibidad ang mga opisyal at tauhan ng SPD.
Bella Gamotea