Isang kaso ng impeksyong “Florona” o ang sabay-sabay na impeksyon ng sakit na coronavirus disease (COVID-19) at influenza ang na-detect sa isang buntis sa Petah Tikva, Israel noong Sabado, Enero 1.
Iniulat ng Israeli-based newspaper na Yedioth Ahronoth na ang unang pasyente ng Florona ay hindi bakunado para sa parehong flu at COVID-19. Nanganak siya at ipinadala sa Rabin Medical Center sa Petah Tikva.
Sinabi ni Propesor Arnon Vizhnitser ng Rabin Medical Center, ang babae ay hindi nagpakita ng malalang sintomas at inaaasahang lalabas sa Huwebes, Enero 6.
“She was diagnosed with the flu and coronavirus as soon as she arrived. Both tests came back positive, even after we checked again… the disease is the same disease; they’re viral and cause difficulty in breathing since both attack the upper respiratory tract,” sabi ni Vizhnitser.
Kasalukuyang sinusuri ng Health Ministry ng Israel ang kaso ng impeksyon. Nagbabala rin ito na maaaring may iba pang nahawaan ng Florona na nananatiling hindi natutukoy.
Ayon sa World Health Organization, hindi bagong variant ang Florona gaya ng Delta at Omicron variant at habang posibleng magkasabay na parehong mahawa sa flu at COVID-19, ang pagbabakuna ang pinakamabisang paraan upang maiwasan ang impeksyong ito.
Seth Cabanban