Iniulat ng independiyenteng OCTA Research Group nitong Sabado na ang daily positivity rate sa National Capital Region (NCR) ay umakyat na sa halos 21% habang ang reproduction number naman sa rehiyon ay tumalon pa sa 3.19.
“On the second to last day of 2021, the positivity rate in the NCR increased to 20.56%,” anang OCTA Research, na ibinahagi ni Dr. Guido David sa kanyang Twitter account.
Ang positivity rate, na tumutukoy sa porsiyento ng mga taong nagpopositibo sa sakit mula sa kabuuang bilang ng mga sinuring indibidwal, sa NCR ay nasa 14% lamang may ilang araw ang nakakalipas.
Base sa projections ng OCTA Research, humigit-kumulang sa 3,000 bagong COVID-19 cases ang maaaring maitala sa NCR nitong Enero 1, 2022 lamang, habang 4,000 bagong kaso naman sa buong bansa.
Idinagdag pa nito na tumaas rin ang reproduction number ng COVID-19 sa NCR na nasa 3.19 na hanggang noong Disyembre 28, mula sa dating 1.47 lamang.
Ang reproduction number naman ay tumutukoy sa bilang ng mga taong maaaring maihawa ng sakit ng isang pasyente ng COVID-19.Ang reproduction number na mas mataas sa 1 ay indikasyon nang pagbilis ng hawahan ng virus.
Anang OCTA, sa kasalukuyan ay nasa moderate risk pa rin ang klasipikasyon ng NCR sa COVID-19 ngunit maaari aniyang maging high risk na ito, pagsapit ng Enero 2, 2022.
“NCR remained at moderate risk, but is likely to be classified as high risk by January 2, 2022,” anang grupo.
Nauna nang inianunsiyo ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) na isasailalim na ang NCR sa Alert Level 3 simula Enero 3 hanggang 15, 2022 kasunod nang biglaang pagtaas ng mga naitatalang bagong kaso ng sakit sa rehiyon.
Sinabi na rin naman ni Health Secretary Francisco Duque III nitong Biyernes na posibleng ang mas nakahahawang Omicron variant na ng COVID-19 ang nasa likod nang mabilis na pagtaas ng COVID-19 cases sa bansa.
Sa kasalukuyan, nasa 14 na ang naitatalang kaso ng Omicron variant sa bansa, at tatlo sa mga ito ang lokal na kaso.
Mary Ann Santiago