Sa pagbubukas ng taong 2022, panibagong kabanata ang ibinahagi ng Kapamilya diva na si Angeline Quinto matapos ibahagi na niya sa publiko ang kanyang baby bump.
Sa kanyang Instagram post, makikita ang baby bump ni Angeline na hawak niya at ng kanyang partner.
Matatandaang naging kaswal ang naging pag-amin ni Angeline sa batikang host na si “Tito Boy” Abunda kamakailan matapos ang unang mga lumabas na usap-usapin kaugnay ng kanyang pagbubuntis.
Gayunpaman, hindi pa rin ibinahagi ni Angeline ang buong katauhan at mukha ng ama ng kanyang pinagbubuntis sa larawan.

Sa kanyang panayam noong Oktubre kay Karen Davila, una nang sinabi ng singer na intensyon niyang gawing pribado ang pagkakakilanlan ng lalaking nagpapasaya sa kanyang buhay ngayon.
“Parang mas gusto ko na private na lang. Kasi syempre yong trabaho natin, sobrang publiko na,” ani Angeline.
Matapos ang pagkawala ng kanyang “Mama Bob” noong 2020 na siyang tumayong tunay na pamilya at naging kasangga ni Angeline sa kanyang buhay at karera sa showbiz, alam na nitong darating din ang panahon na magkakaroon siya ng isang “napakagandang pamilya."
“Syempre ngayon wala akong kasama na. Wala na ang Mama Bob. Siguro darating din yon, Ms. Karen na magkaroon ako ng napakagandang pamilya,”ani Angeline noon kay Karen.
Samantala, mapapansin na burado ang lahat ng Instagram posts ni Angeline maliban na lang sa pregnancy test na kamakailan niyang ibinahagi at ang larawan ng kanyang baby bump.