Iniulat ng Department of Health (DOH) na nasa 85 ang kaso ng fireworks-related injuries (FWRI) na kanilang naitala sa bansa sa pagsalubong sa Taong 2022.

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, ang naturang bilang ng mga nasugatan sa paputok ay naitala mula Disyembre 21, 2021 hanggang alas-6:00 ng umaga lamang ng Enero 1.

Sinabi ni Duque na ang naturang bilang ay 11% na mas mababa kumpara sa 96 na kaso na naitala noong nakaraang taon.

Gayunman, maaari pa aniyang tumaas ang mga naturang kaso sa mga susunod na araw.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“That is a bit of improvement with less firework related injuries. Ngunit ang mga bilang ng kaso ay maaaring tumaas sa mga susunod na araw dahil sa mga huling reports at consultations,” ayon kay Duque, sa isang press briefing sa East Avenue Medical Center.

Samantala, sinabi rin ni Duque na ang naturang 85 sugatan sa paputok ay 75% na mas mababa kumpara sa average na 336 injuries sa nakalipas na limang taon.

Ang Metro Manila aniya ang nakapagtala ng pinakamaraming bilang ng FWRIs na nasa 36%.

Karamihan aniya sa mga nasugatan ay mga dumaraan o bystanders lamang na nasa 58%.

Nasa 38% naman ng mga kaso ay dulot ng mga ipinagbabawal na paputok at pangunahin sa mga ito ay ang boga, five star at piccolo.

Wala namang naitalang kaso ng fireworks ingestion, stray bullet injury, o pagkamatay dahil sa paputok.

Mary Ann Santiago