Matapos ang ilang pahayag ng pagkadismaya ng netizens sa taunang pagbibigay prayoridad sa mga materyal ng Metro Manila Film Festival (MMFF) at pagpapaliban sa pagpapalabas sa worldwide box office hit na “Spider-Man: No Way Home” sa mga sinehan sa Pilipinas, nagpahayag ng saloobin ang batikang manunulat at Kapamilya Partylist First Nominee na si Jerry B. Gracio.

“Buwan o taon ang ginugugol ng writer sa US o Korea para isulat ang isang series. Sa Pinas, bukas ang shoot, mamaya na ang deadline ng script. Mali ito, pero ang punto ko, di kayang gawin ng American or Korean writers ang ura-uradang kayang gawin ng Pinoy teleserye writers,” sabi ni Gracio sa isang Twitter post kamakailan.

Naging diretsa sa kanyang saloobin ang Kapamilya screenwriter matapos ulanin muli ng kritisismo ang ilang entries sa MMFF sa muling pagbabalik-sinehan nito ngayong Disyembre.

Matapos ipaliwanag ang dinaranas na hirap at limitasyon ng paggawa ng mga pelikula at seryeng Pilipino, hinapag naman ng batikang manunulat ang ilang rekomendasyon na sa tingin niya’y tanikala sa pagsusulong ng sariling siling sa bansa.

Tsika at Intriga

'Back to you mamang!' Chloe, rumesbak kay Ai Ai matapos hiwalayan ni Gerald?

Kuwinestyon ni Gracio ang pagpataw ng buwis sa mga materyal sa sinehan at maging sa mga libro.

“Seryoso, kailangan nating aralin kung paano tutulungan ang industriya. Baka kailangan nating tanggalin ang patong-patong na tax sa sine, o sa libro. Kasi kung art ang tingin natin sa literature at cinema, ba't natin ita-tax ang art?” sabi ni Gracio.

Hindi na rin naghugas-kamay ang dating Kapamilya writer at inaming marami rin siyang nilikhang maituturing na “basura” at sa parehong paraan ay hindi “brilliant” ang lahat ng kaniyang mga obra.

Gayunpaman, sinisikap niyang makapagsulat ng mga proyektong may kalidad at ito, para sa kanya, ang mahalaga.

“But I strive to write better with each project, given the limitations. 'Yun ang importante--we strive to make things better,” aniya.

Nauna na ring bumanat si Gracio sa mga nakikiuso lang sa mga batikos laban sa mga pelikula at teleseryeng Pilipino.

“Ampapanget ng Pinoy films, sabi ng mga di nanonood ng Filipino cinema. Predictable ang Pinoy series, sabi ng mga di nanonood ng Pinoy teleserye. Walang magandang Pinoy books, sabi ng mga di nagbabasa ng Pinoy authors,” buwelta ni Gracio.

Si Gracio ang screenwriter ng “Huwag Kang Lumabas,” isa sa opisyal na walong MMFF entries ngayong taon.