Inaresto ng mga awtoridad ang isang 42-anyos na lalaki matapos umano nitong patayin at pagputul-putulin ang isang binatang estudyante sa Tondo, Maynila kamakailan.

Kinilala ng pulisya ang suspek na si Dante Reyes Silva, 42, taga-Brgy. 261, Tondo, at nakakulong na sa Moriones Police Station 2 (MPS 2).

Si Silva ay dinakip sa Zaragosa Street sa Brgy. 20, Tondo nitong Huwebes dakong 10:30 ng gabi.

Sa report ng MPS 2, nagtungo sa kanilang presinto ang ama ng biktima nitong Huwebes ng umaga at ini-report ang nawawalang anak na lalaki na huling nakita nitong Miyerkules (Disyembre 29) dakong 1:20 ng hapon nang iparada nito ang kanyang motorsiklo sa Severino Reyes St. sa Tondo bago magtungo sa inuupahang bahay ni Silva.

Metro

Mga deboto ng Jesus Nazareno na nangailangan ng atensyong medikal, pumalo sa 900<b>—Red Cross</b>

Nang pag-aralan ng mga pulis ang CCTV camera sa lugar, nakita si Silva na may dala-dalang dalawang puting sakong may laman at isinakay sa isang taksi dakong 11:50 ng gabi ng Disyembre 29.

Ang nasabing dalawang sako kung saan nakasilid ang putul-putol na bangkay ng biktima ay natagpuan sa isang bakanteng lote sa Brgy. Niog 3, Bacoor, Cavite nitong Huwebes ng hapon, batay na rin sa ulat ng Bacoor Police Station sa MPS2.

Ang bangkay ng biktima ay nakilala ng kanyang kapatid.

Inaalam pa ng pulisya ang motibo ng suspek sa pamamaslang.

Nakatakdang kasuhan ng murder si Silva, ayon pa rin sa pulisya.

Seth Cabanban