Naglabas ng kaniyang opisyal na pahayag ang Office of the Vice President para sa kanilang pakikiisa sa araw ng paggunita sa kabayanihan ni Dr. Jose Rizal nitong Disyembre 30, 2021.
"Kaisa ako ng sambayanang Pilipino sa paggunita sa buhay at sakripisyo ng ating pambansang bayani," ayon sa mensahe ni VP Leni.
"Tinatawag tayo ngayong isabuhay ang diwa ng pagka-Pilipinong hinaraya at inakda ni Rizal: Pilipinong nagkakaisa, nakikipagkapwa, at laging nakahuhugot ng lakas mula sa isa't isa; Pilipinong laging may pag-asa, dahil tumutugon at nagmamalasakit sa kapwa."
"Nawa ay mapaalalahanan tayo ng mga huling salita ni Elias sa Noli Me Tangere, at salubungin ang bukang-liwayway nang hindi nakalilimot sa mga nalugmok sa dilim ng gabi."
"Sa ganitong paraan natin tunay na mabibigyang-pugay ang kabayanihan ni Dr. Jose Rizal. Muli, kaisa ninyo ako at ang buong Tanggapan ng Pangalawang Pangulo sa pagdiriwang at paggunita."
Ipinagdiriwang ang ika-125 anibersaryo ng kabayanihan ni Dr. Jose Rizal.