Bumibilis muli ang hawaan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa National Capital Region (NCR).

Sa pahayag ng OCTA Research Group, mula sa dating 0.51, biglang tumalon sa 1.47 ang reproduction number o ang bilang ng mga indibidwal na naihahawa ng sakit ng isang pasyente.

Sa ngayon, ang Metro Manila ay nasa 'moderate risk classification' ng sakit dahil sa patuloy na pagtaas ng mga naitatalang bagong kaso ng sakit.

Nitong Disyembre 16-22 ay nasa 'very low risk classification' ang NCR, gayunman, ibinalik ito sa 'moderate risk' mula Disyembre 23-29, ayon sa OCTA.

National

Torre, itinangging nagsumite ng optional retirement!

Ikinukonsidera rin ng grupo na 'kritikal' ang sitwasyon ngayon sa Metro Manila dahil sa sakit.

Paliwanag ng OCTA, ang reproduction number na mas mataas sa 1 ay nagpapakita nang bumibilis na hawahan ng virus.

Kaugnay nito, tumaas din naman ang positivity rate, o ang porsyento ng mga taong nagpopositibo sa virus mula sa bilang ng mga indibidwal na sinuri, na mula sa 0.69% ay naging 3.86% na.

Binigyang-diin ng grupo na inaasahan na nila ang sitwasyon dahil na rin sa mas maraming pagtitipon ngayong Kapaskuhan.

Sinabi pa ng grupo na sa ngayon ay wala pang katiyakan kung magpapatuloy ang pagdami ng mga bagong COVID-19 cases, o kung muling bababa ang mga kaso ng sakit sa sandaling matapos na ang holiday.

Idinagdag pa ng OCTA na kailangang mapigilan ang pagtaas ng mga bagong kaso ng sakit sa NCR upang maiwasan ang panibagong surge nito.

Mary Ann Santiago