Ibinida ng Philippine Embassy sa Japan ang isang special addition ng Japanese manga para sa buhay, obra, akda, at pagpapahalaga ni Dr. Jose Rizal, sa ika-125 anibersaryo ng araw ng paggunita sa kabayanihan ng pambansang bayani, nitong Disyembre 30.
Ang naturang Japanese manga na may pamagat na 'Jose Rizal, The Filipino Hero’s Life Illustrated' ay may English at Filipino version na nilagdaan ng mga Japanese writer na si Takahiro Matsui at Japanese artist Ryo Konno, na opisyal na na-turn over sa Sentro Rizal Library ng embahada nitong Disyembre 27.
“Dr. Rizal’s life, work, and values should be shared with generations of young Filipino and Japanese students alike. As a teacher before joining the diplomatic service, I know for a fact that asking students to remember dates, names and events is not sufficient," saad ni Philippine Embassy in Japan Charge d’affaires Robespierre Bolivar.
"As such, the publication of this Manga presents a creative way to capture the interest and engage younger generations, who are fans of comic books, to learn more about our national hero,” dagdag pa niya.
Ipinahayag naman ng manunulat nito na si Matsui ang paghanga niya sa katalinuhan, pilosopiya, mga talento, at pagpapahalaga ni Rizal sa kaniyang buhay.
Hangad niya na makatulong ang ginawang Japanese manga para sa mga Pilipinong naninirahan sa Japan, lalo na ang kabataan. Inilarawan niya si Rizal bilang 'honorable man in the Philippines who devoted himself to the cause of human dignity and freedom.'
Ang manga ay ginamitan niya ng estilong flashback o pagbabalik-tanaw, na nagsimula sa kaniyang execution na naganap noon sa Bagumbayan, o mas kilala ngayon bilang Luneta/Rizal Park.
Bahagi ng flashback ang muling pagsilip sa kaniyang pagkabata sa bayang sinilangan, ang Laguna, pag-aaral sa iba't ibang pamantasan, panulat, at iba pang mga hakbang upang matamo ang reporma o pagbabago sa pamamahala ng mga Espanyol sa Pilipinas, noong kapanahunan niya.
Una itong nailabas online noong 2018, na nasa wikang Filipino, English, at Nihongo.