Handa na ang mga ospital sa bansa sa posibleng pagtaas ng kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa gitna ng pangamba sa banta ng Omicron variant, ayon sa Department of Health (DOH).
“Siyempre 'yung mga hospital natin handa naman iyan lagi dahil kasama sa trabaho nila iyan. Kung magkaroon ng emergency halimbawa—biglaang pagsipa ng kaso ay handa naman sila para tugunan iyon," pahayag ni DOH Secretary Francisco Duque III sa isang panayam sa radyo nitong Miyerkules, Disyembre 29.
Nitong Disyembre 27, binanggit ng ahensya na nasa 'low-risk classification' pa rin ang health system capacity ng bansa dahil nasa 16 porsyento pa rin ang bed utilization habang ang intensive care unit (ICU) utilization ay nasa 17 porsyento.
Kinabukasan, inanunsyo naman ng OCTA Research Group na nakapagtala ang Pilipinas ang pagtaas ng bilang ng COVID-19 cases sa Metro Manila.
Inihayag naman ni OCTA research fellow Dr. Guido David, nakababahala ang sitwasyon ng COVID-19 sa bansa at hindi lamang ito bahagyang pagtaas ng kaso nito.
Tiniyak naman n DOH Undersecretary Maria Rosario Vergiere, patuloy pa rin nilang sinusubaybayan ang sitwasyon sa buong bansa.
“Cases are expected to increase due to the holiday-related mobility and reduced compliance to MPHS (minimum public health standards).We are continuously monitoring the situation, though we cannot still be certain that the increase in cases is due to the Omicron variant,” aniya.
“We are calling on the public and the LGUs (local government units) to ensure safety protocols are implemented and every Filipino is vaccinated,” pagdidiinpa nito.
Nitong Miyerkules, aabot na sa 889 na kaso ng COVID-19 sa bansa, mas mataas kumpara sa naitala nitong mga nakalipas na araw na mula 200 hanggang 400 na kaso kasa araw.
Sa ngayon, nakapagtala na ang Pilipinas ng 2,839,790 kabuuang kaso ng sakit, ayon pa rin sa DOH.
Analou de Vera