Inaasahang pipirmahan na ng pamahalaan ang mga kontrata sa pagbili nito ng 32 na karagdagang S-70i Black Hawk helicopters para sa Philippine Airforce (PAF) at anim na offshore patrol vessels (OPVs) para sa Philippine Navy sa Enero sa susunod na taon, ayon kay Department of National Defense (DND) Secretary Delfin Lorenzana.
"Those (Black Hawks and OPVs) could be the last two contracts to be signed next month," sabi ng opisyal nang tanungin ng mga mamamahayag kung magkakaroon pa ng iba pang malalaking modernization contracts matapos pirmahan ang ₱28 bilyong kontrata ng pagbili ng dalawang missile corvettes sa South Korean shipbuilder Hyundai Heavy Industries (HHI) nitong Martes.
Bibilhin aniya ang mga OPV sa Australian defense manufacturer at shipbuilder na kumpanyang Austal at bibilhin naman sa PZL Mielec sa Poland ang 32 na sasakyang-panghimpapawid.
Gayunman, wala pa aniyang kontrata sa para sa mga ito dahil "under negotiation" pa ang usapin.
Kaugnay nito, naglabas ang Department of Budget and Management (DBM) ng dalawang Special Allotment Release Orders (SAROs) nitong Disyembre 27 para sa paunang funding requirements ng "Shore-Based Anti-Ship Missile System Acquisition Project ng Philippine Navy alinsunod sa Revised Armed Forces ng Philippines Modernization Program."
Nauna nang naiulat na pinaplano ng gobyerno na bumili ng medium-range ramjet supersonic BrahMos cruise missile system para sa nabanggit na proyekto.
Binanggit sa ulat na maaaring pakawalan ang nasabing BrahMos cruise missile mula sa barko, sasakyang-panghimpapawid, submarine o sa lupa at kaya nitong magdala ng warheads na mula 200 kg. hanggang 300 kg.
PNA