Number #1 trending sa YouTube ang latest vlog ni Alex Gonzaga kung saan inisa-isa at nangaroling siya sa mga presidential at vice presidential candidates, na inupload nitong Disyembre 27 at may 3,201,510 views na agad.
"Netizens, alam n'yo naman… kahit tapos na ang Pasko, kailangan tuloy-tuloy pa rin ang celebration natin ng Christmas, because Christmas is in our heart," panimula ni Alex.
"Kailangan tayong manolicit (solicit) at mangaroling, dahil kung hindi tayo nangaroling, mukha lang tayong nanghingi ng pera," hirit pa ni Alex. "Kailangan kapag nangaroling tayo. dapat doon sa mga kilalang tao, yung sigurado tayo na magbibigay talaga ng regalo at aginaldo… kahit mismong si Emilio Aguinaldo kaya nilang ibigay."
Ibinahagi rin niya ang practice footage nila ng kaniyang 'team'.
Una nilang pinuntahan ang mga tumatakbo sa pagka-pangalawang pangulo, gaya nina dating alkalde ng Maynila, at ngayon ay Deputy Speaker of the House of Representatives na si Lito Atienza, doktor na si Doc Willie Ong, Senador Francis 'Kiko' Pangilinan, at Senate President Tito Sotto III kasama ang misis na si Helen Gamboa.
Pagkatapos naman ay inisa-isa nila ang mga kumakandidatong sa pagka-pangulo na sina Senador Manny Pacquiao, Senador Panfilo 'Ping' Lacson, Vice President Leni Robredo, Manila City Mayor Isko Moreno Domagoso, at dating Senador Bongbong 'BBM' Marcos.
Hindi naman nabigo si Alex dahil nagbigay naman ng pera ang kanilang mga inawitan. Hindi na rin niya sinabi kung magkano ba ang ibinigay ng mga ito, bagama't kitang-kita na pinakamakapal ang bigkis ng bills na ibinigay ni Senador Pacquiao. May idinagdag din si Yorme Isko para sa mga street children.
Nagdagdag naman ng gift packs sina VP Leni at BBM para sa kanilang pamamahagi sa mga nangangailangang kababayan.
Pagkatapos ng kanilang caroling ay namigay naman si Alex at ang kaniyang team sa mga pamilyang nangangailangan, batay sa mga nalikom nila sa caroling. Namahagi sila ng noche buena package worth ₱1,600. Nakapamahagi sila ng 200 noche buena packs at nakapag-donate sa mga nasalanta ng bagyong Odette.