Tuluyan nang binuksan ng tinaguriang 'Crystal Voice of Asia' at Cebuana Diva na si Sheryn Regis ang tungkol sa kaniyang tunay na sekswalidad sa pinakabagong showbiz talk show vlog ni Ogie Diaz.
Matatandaang makikita sa mga social media accounts ng singer na kasama na niya ang karelasyong lesbian din na si YouTuber Mel De Guia. Aniya, nag-come out na siya sa kaniyang ex-partner na lalaki at sa kanilang anak na babae, at natanggap naman sila ng mga ito.
BASAHIN: https://balita.net.ph/2021/12/09/sheryn-regis-masaya-sa-kaniyang-lovelife-suportado-ni-ice-seguerra/">https://balita.net.ph/2021/12/09/sheryn-regis-masaya-sa-kaniyang-lovelife-suportado-ni-ice-seguerra/
"Alam ko na sa puso ko (na) bahagi ako ng LGBTQ. It's just that I started living with a man when I was 18 years old. 'Yun ang time na may realization ko na iba ang feeling ko, iba ang nararamdaman ko," sey ni Sheryn.
Natakot umano siyang sabihin at ipakita ang tunay na sekswalidad dahil na rin sa pagsunod sa mga magulang. Hanggang sa nakilala na nga si Sheryn bilang finalist sa singing contest na 'Star in a Million' kung saan siya ang itinanghal na first runner up ni Grand Champion Erik Santos, noong 2003.
"So pumasok ako sa show business na, 'Ito si Sheryn, may asawa. Ito si Sheryn, babaeng-babae. Dapat malinis, dapat ganito.' Pero kulang na kulang, hindi ako masaya dahil naramdaman ko na hindi ako ito. Hindi ako itong Sheryn na pino-project ko. Yes, as a diva I wear gowns. Ganito naman talaga ako, babaeng-babae. Pero ang puso ko iba. Parang mas may gusto ako na hindi ko alam, kulang na kulang," pagbabahagi niya.
"Noong nanganak na ako kay Sweetie sabi ko, this is some kind of a reward, a trophy. Pero bakit may kulang pa rin… Naramdaman ko 'yung essence of a woman to have a child. Yes, ang essence, babae ako. Pero gusto ko pa rin babae. In denial ako that time."
Sa kaniyang mister umano na si Earl Echiverri unang nagsabi nang totoo si Sheryn, na isa siyang lesbian. Sa kabila nito, ginampanan pa rin niya ang kaniyang mga responsibilidad bilang isang asawa.
"Ang pag-aasawa hindi naman pakikipagtalik 'yan, kung hindi responsibilidad mo, pagmamahal mo sa isang tao. You care for that person and you are responsible for that person, ginagampanan mo rin ang pagka-asawa," paliwanag ni Sheryn.
"After sinabi ko sa kanya, mas lalong tumaas yung respeto niya sa akin. He still takes care of me even malayo siya. Nasa Houston siya, nandito ako. Hindi puwedeng hindi magtatanong, 'O kumusta ka? Okay ka lang ba? Huwag kang ma-stress.' Ganun 'yon," ayon kay Sheryn. Maayos umano ang kanilang relasyon sa kabila ng lahat.
11 taong gulang pa lamang daw ang anak ay inamin na ni Sheryn sa kaniya ang tunay niyang sekswalidad.
"Sabi niya, 'Oh well. I knew it, Mommy but it doesn't make you less of a person. It doesn't make you less of a mom.' 'Huwag mo muna i-divorce si Daddy,'" hiling daw ng kaniyang anak.
"'Mommy, is it okay for you if there's no divorce? I don't want to be a child na there's no mom and a dad na magkasama.' So parang naiyak ako, nakonsensiya ako, pinagbigyan ko siya. 'Yes, Sweetie, I promise,'" aniya.
Ayon kay Sheryn, bagama't hindi sila tuluyang naghiwalay sa legal na proseso ay tinanggap ng kaniyang mister at anak ang relasyon nito kay Mel De Guia, na nakilala niya nang umorder siya ng pagkain sa food business nito.
"Tanggap siya ni Sweetie, tanggap siya ni Tito Earl. Tanggap nila. Basta tanggap ng pamilya ko. Tanggap lahat kung anuman ako kasi raw sabi niya, it's your life. And, 'Mommy, love has no boundaries. You are free, Mom, you are so free,'" ani Sheryn.
Nitong Disyembre 27 ay nag-post ulit si Sheryn sa Instagram na kasama niya si Mel na namamasyal sa Enchanted Kingdom sa Sta. Rosa, Laguna.
Ang mga captions niya ay mula sa awiting 'Come In Out of the Rain'. gaya ng 'Happiness and joy you bring', 'Some people spent a lifetime looking for love', at 'I have love right here all of the time'.