Nasa “moderate risk” na muli para sa coronavirus disease (COVID-19) ang mga lungsod ng Maynila at San Juan, ayon sa independent research group na OCTA nitong Martes, Disyembre 28.

Sa update nito sa Twitter, sinabi ng OCTA research fellow na si Dr. Guido David na ang Metro Manila ay nanatiling nasa “low risk” para sa COVID-19 sa monitoring period mula Disyembre 21-27.

Gayunpaman, sinabi ni David na ang San Juan at Maynila ay ipinasailalim sa moderate risk classification dahil sa pagtaas ng kanilang reproduction number nitong nakaraang linggo—1.82 at 1.57, ayon sa pagkakabanggit.

Sa monitoring period noong Dis. 14-20, ang San Juan City ay inuri bilang “low risk,” habang ang Lungsod ng Maynila ay nasa “very low risk” – na may mga reproduction number na 1.19 at 0.78, ayon sa pagkakabanggit.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sa pinakahuling ulat ng OCTA, sinabi nito na siyam na local government units (LGUs) ang inuri ngayon bilang “low risk”-- Caloocan City, Malabon City, Marikina City, Parañaque City, Muntinlupa City, Navotas City, Pasay City, Mandaluyong City, at Makati City.

Samantala, pinanatili ng Las Pinas City ang low-risk classification nito.

Limang LGUs ang nanatili sa “very low risk”-- Pateros, Valenzuela City, Quezon City, Pasig City, Taguig City.

Nabanggit ni David na ang average number ng mga bagong kasong COVID-19 sa Metro Manila ay tumaas sa 126 noong Dis. 21-27 monitoring period, mula sa 77 kaso noong Disyembre 14-20.

Bukod dito, ang incidence o average daily attack rate (ADAR) ng Metro Manila ay nasa 0.89 kada araw kada 100,000 populasyon. Habang ang reproduction number nito ay 0.92.

Ang ADAR at reproduction number ay bahagyang mas mataas kaysa sa 0.82 at 0.85, ayon sa pagkakabanggit, nitong Lunes, Dis. 27.

Ang test positivity rate ay umabot din sa 1.68 percent noong Martes mula 1.4 percent noong Lunes.

Ang reproduction number ay tumutukoy sa average number ng ikalawang impeksyon ng bawat nahawang indibidwal, habang ang positivity rate ay tumutukoy sa bilang ng mga indibidwal na nagbunga ng mga positibong resulta mula sa mga na-test para sa COVID-19.

Sa isang public briefing nitong Lunes, binanggit ni David na ang reproduction number at ADAR na mas mababa sa 1 ay “okay” pa rin at nananatiling walang “solid” na indikasyon ng pagtaas ng trend.

“The metrics used are based on covidactnow.org, [which is] not the same metrics used by IATF (Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases) and DOH (Department of Health),” sabi ng OCTA sa ulat nito.

Ellalyn De Vera-Ruiz