Inihain na ng kampo ni presidential aspirant Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang kanilang kasagutan sa tatlong petisyon na naglalayong i-disqualify ang dating senador sa Mayo 2022 polls.
Kinumpirma ito ni Commission on Elections (Comelec) Spokesperson James Jimenez nitong Martes, Disyembre 28.
“Yes. Nakapag file," ani Jimenez sa isang text message.
Gayunman, hindi nagbigay ang poll body na kopya ng kasagutan.
“These cases being pendente lite, copy and content of the Answers may not be shared with the public without clearance from the First Division. We can, however, provide general info on these cases as soon as they become available,” ani Jimenez sa isang pahayag.
Noong nakaraang linggo, ibinunyag ni Comelec Commissioner Rowena Guanzon na naipadala na ang summon para sa tatlong disqualification cases na isinampa laban kay Marcos Jr.
Sinabi ng poll official na ang summon "directed respondent BBM to file a verified answer to each petition within five days from receipt, in accordance with the rules.”
Si Guanzon ay parte ng Comelec First Division na humahawak sa disqualification cases laban kay Marcos Jr. na inihain nina Bonifacio Ilagan, Abubakar Mangalen, at Akbayan.
Nakatakda ang preliminary conferences sa naturang mga kaso sa Enero 7, 2022.
Leslie Ann Aquino