Nanindigan si Senador Risa Hontiveros nitong Martes, Disyembre 28 na walang basehan at purong panggigipit ang wiretapping case na isinampa laban sa kanya ng dating justice secretary na si Vitaliano Aguirre.
Ito ang pagpupunto ni Hontiveros matapos siyang maglagak ng P36,000 piyansa kasama ang kanyang legal team sa Pasay City Metropolitan Trial Court Branch 46 nitong Martes, Disyembre 28.
Nag-ugat ang kaso sa isang insidente kung saan inakusahan siya ni Aguirre ng paglabag sa Republic Act No. 4200 o ang Anti-Wire Tapping Act sa pagdinig sa Senado sa pagpatay kay Kian Delos Santos, isa sa mga kontrobersyal na kaso ng pagpatay sa ilalim ng brutal na drug war ni Duterte.
Sinabi ni Hontiveros na determinado siyang labanan ang mga kasong harassment laban sa kanya.
“Kakampi natin ang batas at ang katotohanan. Protektado ng mismong Konstitusyon ang lahat ng aspeto ng aking privilege speech sa Senado, kaya panatag akong wala akong kahit anong paglabag sa Anti-Wiretapping Law,” ani Hontiveros sa isang panayam matapos maglagak ng piyansa.
Binigyang-diin ng senadora na si Aguirre at ang kanyang mga kasamahan ang dapat na managot sa panggigipit lalo na sa mga kasapi ng oposisyon.
Sinabi ni Hontiveros na napatunayan nilang si Aguirre mismo ang nahuli sa aktong pakikipagsabwatan sa isang miyembro ng Senado sa loob mismo ng lugar nito habang may isinasagawang imbestigasyon sa extrajudicial killings ng Upper Chambers.
“Isang malaking pambabastos ito sa ating institusyon,” giit niya.
Aniya pa, “If his text messages were set in fonts large enough to be caught on camera, then he has only himself to blame. He should have known better than to conspire with others in the middle of a public event, in full view of photographers’ cameras. There was no deception or subterfuge involved.”
Sinabi rin niya na hindi niya maintindihan kung bakit nakatuon ang government resources sa “malinaw na walang basehang kaso kung kailan higit na kailangan ang bawat piso para sa mga pagsisikap sa rehabilitasyon at pagsagip para sa mga biktima ng Bagyong Odette?”
“It’s clear this is just black propaganda launched by Aguirre and his minions. But if they think I’ll be scared then they’re wrong…This entire case is unfair, unjust, and a sham,” sabi ng re-electionist senator.
Hannah Torregoza