Nagpositibo rin sa COVID-19 ang mister ng babaeng itinuring na ikaapat na kaso ng Omicron variant sa bansa.
Ayon kay Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang mister ay isang 37- anyos na Pinoy, na kaagad na ring na-isolate matapos na magpositibo sa virus.
Ani Vergeire, ang sample na nakalap nila mula sa mister ng Omicron case ay nakatakdang isailalim sa genome sequencing upang matukoy kung anong variant ito ng COVID-19.
Tiniyak rin ni Vergeire na ang mga kasambahay ng mag-asawa ay naka-isolate na rin at nakatakdang isailalim sa testing.
"We have already traced the contacts of this person (fourth Omicron variant case). Her husband turned positive also. He is currently in an isolation facility and close contacts at home are isolated,” aniya.
Nakatakda aniyang isailalim muli sa testing ang mag-asawang pasyente base na rin sa umiiral na protocols.
Nitong Lunes, kinumpirma ng DOH na naitala na nila sa bansa ang ikaapat na kaso ng Omicron sa bansa.
Ang pasyente ay isang 38-anyos na babae na mula sa Estados Unidos.
Dumating siya sa bansa noong Disyembre 10 sakay ng Philippine Airlines flight PR 127.
Mary Ann Santiago