Umabot sa kabuuang 77.67 gramo ng umano'y methamphetamine hydrochloride o shabu na nagkakahalaga ng ₱528,156 ang nasamsam sa anti-illegal drug operations sa mga lungsod ng Makati at Taguig nitong Martes, Disyembre 27.

Kinilala ni Southern Police District chief Brig. General Jimili Macaraeg ang mga naarestong suspek na sina John Michael Ballado, alyas JM; Danilo Montay Delfin; Delvis Dequillo; Allan Gamboa; at Kathleen Pascua, pawang nasa hustong gulang.

Sa report ng SPD, unang nagkasa ng buy-bust operation ang Makati SDEU laban kay alyas Kathleen sa  Sanzibar St., Brgy. San Isidro sa nasabing lungsod dakong 2:00 ng hapon nitong Lunes.

Nakumpiskahan ang suspek ng 11.67 gramo ng pinaghihinalaang shabu na may halagang ₱79,356 at marked money.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Bandang 5:00 ng hapon naman ikinasa ang buy-bust operation ng mga tauhan ng SPD DDEU sa pangunguna ni Maj Cecilio Tomas Jr. at Taguig Sub-Station 9 sa # 94J Pineapple St. Purok 2 New Lower Bicutan na ikinaaresto nina Ballado, Delfin, Dequillo, at Gamboa at masamsaman ng 66 gramo ng 'shabu' na nagkakahalaga ng ₱448,800, marked money, coin purse, Colt caliber .45, magazine at limang bala ng naturang baril.

Sasampahan ng kaukulang kaso ang limang suspek.

“Patuloy na pinaiigting ng kapulisan ng Southern Police District ang laban kontra droga sa gitna ng umiiral na pandemya at kahit panahon ng kapaskuhan. Asahan ninyo ang patuloy na naming pagpapatupad ng batas."

Bella Gamotea