Isinusulong ng isang grupo ng mga pribadong pagamutan ang pagdaraos ng ‘PhilHealth holiday’ sa unang bahagi ng Enero.

Nabatid na hinihikayat ng Private Hospitals Association of the Philippines Inc (PHAPI) ang kanilang mga miyembro na mag-obserba ng "PhilHealth holiday" mula Enero 1 hanggang 5 bilang suporta sa mga pagamutan na nagpoprotesta sa mga claims na hindi pa rin nababayaran ng PhilHealth.

Ayon kay Dr. Jose Rene De Grano, hihikayatin nila ang mga PHAPI members na huwag munang tumanggap ng mga PhilHealth deductions para sa health services sa mga nasabing petsa.

“Starting Jan. 1, i-encourage namin ang aming mga miyembro na wag muna tumanggap ng PhilHealth from January 1 to January 5 ng sa ganon po, gusto lang namin ipakita ang aming pagsuporta sa aming mga kasamang ospital,” ani De Grano, sa panayam sa telebisyon.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Hindi po muna kami magde-deduct ng mga PhilHealth benefits,” dagdag pa niya.

Sinabi pa ni De Grano na hindi lahat ng health facilities ay maaaring kaagad na kumalas sa PhilHealth dahil ang ilang serbisyo nito ay dependent sa pagbabayad nito.

“Maaari po kasing mabigat para sa ibang ospital na kumalas kaagad dahil may mga serbisyo po na talagang dependent sa PhilHealth. Ngayon po ipapakita po namin na sinusuportahan namin ang mga ospital na kumakalas,” aniya pa.

Matatandaang ang mga PhilHealth claims ay lumobo sa panahon ng COVID-19 pandemic.

May ilang health institutions na rin ang unang nagsabi na target nilang hindi muna tumanggap ng PhilHealth reimbursements matapos na maantala ang pagbabayad sa kanila dahil sa pandemya.

Mary Ann Santiago