Target ng Commission on Elections (Comelec) na mailabas na sa Enero 7 ang opisyal na listahan ng mga kandidato para sa 2022 polls.
“We expect that the list will be final by January 7… Target ‘yan for the release of the official list of candidates,” ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, sa isang online media briefing.
Sinabi ni Jimenez na inaasahan ng poll body na mareresolba na ang mga kanselasyon ng mga certificates of candidacies at nuisance candidates bago ang naturang petsa.
Ang mga kandidato naman aniya na kumplikado ang kaso at maaaring magtagal pa bago maresolba ay hindi matatanggal sa listahan dahil wala pang humahadlang sa kanilang kandidatura.
“’Yung mga pwedeng i-resolve dito, na-resolve na dapat ‘yan by then. There will still be some pending issues, for example, if there is a disqualification case, then that normally takes some time. Pero yung mga kaso na… removal of the name in the list, for example, like cancellations, nuisance candidates etc., natanggal na dapat ‘yan,” paliwanag pa niya.
“But for other cases, like a disqualification case for example where the issues are more complicated and will probably take longer to resolve, well, hindi sila matatanggal, but they (candidates) will be able to proceed because there will be nothing hindering their candidacy at that time,” dagdag pa niya.
Matatandang kamakailan ay nauna nang inilabas ng Comelec ang tentative list ng mga kandidato sa pagka-presidente, pagka-bise presidente at pagka-senador.
Sinabi naman ng Comelec na mababawasan pa ang naturang listahan dahil aalisin pa nila dito ang mga nuisance candidates.
Mary Ann Santiago