Inihayag ng National Disaster Risk Reduction and Managemnent Council (NDRRMC) na 11 pang katao ang nasawi mahigit isang linggo matapos ang pananalasa ng Bagyong “Odette” sa Visayas at Minadanao.

Sa pinakahuling ulat ng sitwasyon nitong Lunes, Disyembre 27, sinabi ng NDRRMC na umabot na sa 389 ang bilang ng mga nasawi.

Sa naturang bilang, 52 kaso ang na-validate habang 337 ang sumasailalim pa sa kumpirmasyon.

Hindi naman binanggit ng NDRRMC kung saan naitala ang mga bagong nasawi dahil inalis din nito ang breakdown ng mga hindi pa kumpirmadong pagkamatay sa ulat nito.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Mayroon ding 64 na nawawalang indibidwal habang 1,146 ang nagtamo ng ib’t ibang pinsala, na parehong mas mataas kumpara sa datos noong Linggo na 60 at 742, ayon sa pagkakabanggit.

Samantala, umabot na ngayon sa P16,711,209,182.11 ang halaga ng pinsala sa imprastraktura habang umabot sa P5,315,842,606.17 ang naitalang pagkalugi sa agrikultura.

Kabuuang 79,282,375 ektarya ng pananim at 1,174,296 na alagang hayop at manok ang napinsala ni Odette habang 506,404 na kabahayan at halos 3,000 units ng imprastratura at kagamitan sa agrikultura ang winasak nito.

Sinabi ng tagapagsalita ng NDDRRMC na si Mark Timbal na ang suplay ng kuryente ay maaaring ganap na maibalik sa Pebrero 2022 pa.

“That is the likely scenario, it will take until February before we can fully restore the supply,” ani Timbal sa isang panayam sa DZBB nitong Linggo, Dis. 26.

Batay sa datos ng NDRRMC, 284 na lungsod at munisipalidad ang nakaranas ng pagkawala ng kuryente at pagkaputol nito sa Mimaropa, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Northen Mindanao, Davao, Caraga at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Mula sa bilang na ito, naibalik na ang suplay ng kuryente sa 154 na lungsod at munisipalidad na nag-iwan ng 130 iba pang lugar na mananatiling literal na madilim hanggang sa pagdiriwang ng Bagong Taon.

Martin Sadongdong