Nakakapanibago umano ang Metro Manila Film Festival o MMFF ngayong 2021.

Sa unang araw pa lamang ay makikitang 'flopsina' na umano ang mga sinehan dahil walang masyadong dagsang manonood para matunghayan ang walong pelikulang kalahok sa taunang film festival na ito. Ito ang unang beses na binuksan ang mga sinehan sa publiko, pagkatapos ng mahigpit na health restrictions dahil sa COVID-19.

“Ayon sa ilang staff at customer, ilan sa mga dahilan na nakaapekto sa mas kakaunting manonood ay ang paghahanap ng ilang customer ng mas children-friendly na mga pelikula, pagbabawal ng pagkain sa loob ng sinehan, at paminsan-minsan at kalat-kalat na pag-ulan," ayon sa ulat ni MJ Felipe para sa ABS-CBN News.

Ang walong movie entries ay 'Love at First Stream' (ABS-CBN Film Productions); 'Huling Ulan sa Tag-araw' (Heaven’s Best Entertainment; 'Nelia' (A and Q Film Production); 'Big Night' (Cignal Entertainment, IdeaFirst Company, Octobertrain Films at Quantum Film); 'A Hard Day' (Viva Entertainment); 'Kun Maupay Man It Panahon (Whether the Weather is Fine)' (Cinematografica, Plan C, House on Fire etc.); 'Huwag Kang Lalabas' (Obra Maestra and Cineko Productions) at 'The Exorsis' (TinCan Productions).

Relasyon at Hiwalayan

Pagpapakasal dahil lang sa anak, 'di bet ni Janella Salvador

As of this writing, ang 'tumabo' raw sa takilya ay ang 'The Exorsis' nina Toni Gonzaga at Alex Gonzaga o kilala rin bilang 'Gonzaga sisters'. Ayon sa ulat, ₱7,500 ang kinita umano nito sa unang araw ng pagpapalabas (Disyembre 25).

Malakas din umano ang pelikulang 'Nelia' nina Winwyn Marquez at Raymond Bagatsing bagama't hindi naman dinisclose kung magkano ang kita nito sa loob ng dalawang araw.

Pinapasukan din ang 'Huling Ulan sa Tag-araw' nina Ken Chan at Rita Daniela ganoon din ang 'Love at First Stream' nina Kaori Oinuma, Rhys Miguel, Daniela Stranner, at Anthony Jennings.

Wala pang inilalabas na opisyal na listahan ng mga kinita ng pelikula ang pamunuan ng MMFF 2021, gayundin ang ranking man lamang, as of December 27.

Samantala, nagbigay naman ng kaniyang random thoughts si Noel Ferrer, MMFF publicist, hinggil sa MMFF 2021.

"Cinemas Operators mismo ang nagsabi na kahit nauna nang naiulat na matumal at hindi tulad ng pre-pandemic proportions ang mga tao, ‘yung December 25 opening pa rin ang highest grossing day nila since they re-opened kahit may pandemic - NOT EVEN THE BIG HOLLYWOOD FILMS (like ETERNALS) are able to approximate the gross that MMFF 2021 has generated so far. (In fact, the first day gross alone this year covered 1/3 of the total MMFF Online gross (in its entire run) last year."

"With more people going to the cinemas by the day, sa first 3-4 days pa lang, puwede nang malampasan ang total gross last year. Wala pang major sakit ng ulong problema sa piracy.) The fact na nakapag MMFF tayo despite the pandemic ay isang malaking achievement na at magandang unang hakbang sa pagbabalik ng kumpiyansa ng mga tao at producers na nandito tayo na nakasuporta sa industriyang naipatigil, naisantabi at hindi itinuring na “essential” ng halos dalawang taon."

"Sobrang appreciated ng mga producers ang efforts ng MMFF na buhayin at bigyang sigla ang pelikulang Pilipino. Sa Hollywood ganito rin, hindi maiaalis ang takot at pangamba- kahit saan na nag re-open ang sinehan ay ganito - the important thing is - we took the challenge - and we really had to take that painful first step - because we really have to start somewhere."

Nanawagan si Ferrer na sana naman daw ay suportahan ang mga pelikulang Pilipino, na 'nasalanta at napadapa rin ng bagyo'.

"Kung sa mga nasalanta ng Odette may kagyat tayong ayuda, ang industriya ng pelikula ay binagyo at dumapa rin. Ang hinihinging suporta ay ang pagbabalik sa mga sinehan para panoorin ang mga likhang sariling atin. Ito ang tulong/ayuda na inaasahan sa bawa’t isa."

"Hindi lang ito para sa kabuhayan ng mga tao kundi ang patuloy na paglikha ng sining - sa gitna ng pandemya. IPAGPATULOY NATIN ANG SUPORTA AT PAGMAMAHAL SA PELIKULANG PILIPINO. Sa huli’t huli, sino nga ba ang magtutulungan kundi tayo tayo rin naman, di ba?"

Saad naman ni Direk Joey Reyes, para sa kaniya ay may anim na dahilan kung bakit nilangaw sa takilya ngayon ang MMFF movies.

Una, mahal ang ticket.

Pangalawa, mas gusto na lamang daw ng mga tao na kumain at mamasyal.

Pangatlo, takot pa rin umano ang mga taong manood sa sinehan dahil hindi pa naman humuhupa ang pandemya, at may banta pa nga ng Omicron variantt.

Pang-apat, ang Pasko umano ay pampamilya lalo na sa mga bata, at wala masyadong entries na fantasy ang tema, gaya ng mga pelikula nina Vic Sotto, Vice Ganda, o Coco Martin.

Panlima, nahumaling na umano ang mga tao sa online streaming gaya ng Netflix, iFlix, Viu, Vivamax, Upstream, KTX, at iba pa.

Pang-anim, matapos umano ang isang taon at sampung buwan ng pangangamba, nag-iba na raw ang mga kinagawian ng mga tao.

“ACCEPT. ADJUST. ADVANCE. OK, next move,” sey pa ng multi-awarded writer-director.

Samantala, ang 'Gabi ng Parangal' ay gaganapin ngayong Disyembre 27 sa Samsung Hall ng SM Aura.