Walang kinalaman ang relief operations sa darating na halalan dahil ang Tanggapan ng Bise-Presidente ay palaging naroroon sa bawat kalamidad, giit ni Vice President Leni Robredo nitong Linggo,Dis. 26.
Kasunod ng kanilang pagsasagawa ng relief operations sa maraming probinsya na sinalanta ng Bagyong Odette nitong nakaraang linggo, ibinahagi ni Robredo na ngayon niya lang nalaman na ang kanyang opisina ay inaakusahang namumulitika dahil dito.
“Siyempre, hindi ito totoo. May eleksiyon o wala, andyan tayo pag may sakuna,” ani Robredo.
Kinilala ng presidential aspirant ang mga taong nagbahagi ng mga nakaraang relief operations ng kanyang opisina.
Nagbahagi rin siya ng serye ng mga social media card na nagpapakita na naroroon na siya sa halos lahat ng kalamidad na tumama sa bansa bago pa man siya naging pangalawang pangulo ng bansa.
“Sharing this to pay tribute to our teams who have missed holidays, weekends, important personal events just to fulfill our mission. Until now, our teams are still on the ground doing relief operations. We are thankful to all our donors and local partners for helping us every step of the way,” sabi ni Robredo.
Matatandaang binisita kamakailan ni Robredo ang probinsya ng Bohol, Cebu, Dinagat Islands, Surigao City, Negors Oriental, Iloilo at Southern Leyte, mga lugar na matinding hinagupit ni Odette.
Gayunpaman, sinabi ng kanyang mga kritiko na ang lahat ng mga ito’y palabas lang para sa kanyang kandidatura sa pagkapangulo sa Halalan 2022. Si Robredo lang ang tanging presidential aspirant na naglaan ng panahon sa mga relief centers upang mapakinggan ang mga residenteng nawalan ng tirahan at kabuhayan sa pagbayo ng bagyong Odette.
Kinailangan depensahan ng Bise-Presidente ang operasyon ng kanyang tanggapan kung saan dokumentado sa mga larawan ang kanilang relief work, resibo laban sa fake news, aniya.
Makikita sa social media cards na may #GinagawaNaNiLeni ang mga naging pagtugon ni Robredo sa mga nagdaang sakuna.
Kabilang sa mga ito ang Bagyong Reming noong 2006, Bagyong Yolanda noong 2013, Bagyong Glenda noong Hulyo 2014, Bagyong Nona noong Disyembre 2015, Bagyong Ferdie noong Setyembre 2016, Davao bombing noong Disyembre 2016, Bagyong Lawin noong Oktubre 2016, Bagyong Nina noong Disyembre 16, lindol sa Surigao noong Pebrero 2017, lindol sa Batangas noong 2017, Marawi Seige noong Mayo 2017, lindol sa Leyte noong Hulyo 2017 at Bagyong Urduja at Bagyong Vinta noong Disyembre 2017.
Naroon din si Robredo at ang OVP sa mga relief operations nang sumabog ang Bulkang Mayon noong Enero 2018, pagsiklab ng sunog sa Sulu noong Hulyo 2018, habagat noong Agosto 2018, Bagyong Ombong at Cebu landslide noong Setyembre 2018, Jolo Cathedral bombing noong Enero 2019, bukod sa maraming iba pa.
Hindi pa kasama sa mga serye ng mga larawan ang naging mga hakbang ng tanggapan ni Robredo upang mapababa ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa kung saan inilunsad niya ang Swab Cab, Bayanihan e-Konsulta, Vaccine Express, Community Marts, Community Learning Hubs at pagbibigay ng personal protective equipment (PPE), dormitories at libreng shuttle para sa mga medical frontliners.
Raymund Antonio