Sa pinakahuling weather update ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong umaga ng Dis. 26, ang amihan o northeast moonson ang patuloy na umiiral sa kalakhang Luzon habang walang nakikitang bagyo ang mabubuo sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa susunod na limang araw.

Malaking bahagi pa rin ng Luzon ang apektado ng amihan. Dahil dito, asahan ang maulap na kalangitan na may mahina at katamtamang pag-ulan sa silangang parte ng Luzon kabilang ang Cagayan Valley, Cordillera, Apayao, Mt. Province, Kalinga, Ifugao, Aurora, Quezon at buong Bicol Region.

Kasunod ng namumuong shear line, makararanas ng pag-ulan sa timog na bahagi ng Luzon, kabilang ang Visayas sa mga darating na araw.

Samantala, localized thunderstorms naman ang maaaring umiral sa eastern and western portion ng Mindanao sa susunod na 24 oras.

Internasyonal

Mga Pinoy na ilegal na naninirahan sa Amerika, binalaan ng PH Ambassador

Bahagyang maulap na kalangitan na may tsansa ng maulap na kalangitan at pulo-pulong pag-ambon ang maaaring umiral sa natitirang bahagi ng Luzon, kasama ang Metro Manila.

Dagdag ng PAGASA, maulap na panahon ang nakikitang iiral sa sa Zamboanga Peninsula, Basilan, Sulu, Tawi-tawi at Eastern Visayas sa susunod na mga oras.

Sa pagkawala ng Intertropical Convergence Zone (ITCZ), mas mabuting panahon na may pulo-pulong pag-ulan ang aasahan sa Surigao provinces, Dinagat at Davao Oriental habang ang central portion ng Mindanao ay maaaring magkaroon ng localized thunderstorms mula hapon hanggang gabi, ayon sa weather bureau.

Mula tanghali hanggang gabi, mataas ang tsansa ng pulo-pulong pang-ulan sa Western at Central Visayas.

Dahil sa malakas na pag-iral ng amihan, may gale warning o babala ng mataas na alon sa kalakhang Luzon kabilang na ang Batanes, Cagayan kabilang ang Babuyan, Isabela, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Aurora, eastern coast of Quezon kabilang ang Polilio, Camarines Norte, northern coast ng Camarines Sur at northern coast at eastern coast ng Catanduanes.

Tinatayang nasa 6 meters o nasa dalawang palapag na gusali ang taas ng mga alon lalo na sa Ilocos Region, Batanes at Cagayan.

Babala ng PAGASA, delikado sa maliliit na sasakyang pandagat ang kalagayan ng mga karagatan sa Luzon at mataas ang tsansang hindi payagan na pumalaot ang mga mangingisda sa mga nabanggit na baybayin.

Sa patuloy na paglakas ng amihan, mananatili ang gale warning sa kalakhang baybayin ng Luzon sa susunod na mga araw.

Samantala, simula Disyembre 27, iiral na ang ang shear line dahilan ng kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Metro Manila.