Matapos ang halos tatlong dekadang pananatili bilang Kapamilya, napipinto na umano ang paglipat ni ABS-CBN broadcast journalist Julius Babao sa TV5.
Ayon sa mga kumakalat na chismis, matagal na umano siyang inaawitan ng TV5, subalit hindi raw nagpatinag si Julius, dahil inakala umano nito na siya ang ipapalit sa umalis na si Ted Failon sa flagship newscast ng Kapamilya Network na 'TV Patrol' kung saan isa rin si Julius sa mga naging news anchors nito, noong 2003 hanggang 2010. Naging news anchor din siya ng 'Bandila' at marami pang ibang mga news and current affair shows sa ABS-CBN at DZMM.
Ang siste, tila nadismaya umano si Julius na kay Henry Omaga Diaz ibinigay ang pagiging news anchor ng TV Patrol at idinagdag pa si Karen Davila nang magbitiw naman si Kabayan Noli De Castro dahil sa kaniyang pagtakbo sa senado; subalit ilang araw, umatras siya sa halalan. Nakabalik naman siya kaagad sa ABS-CBN subalit sa kaniyang programang 'Kabayan' sa Teleradyo na siya napunta.
Kung trulalu ito at naging maayos umano ang negosasyon, baka siya raw ang pumalit kay Raffy Tulfo sa 'Frontline Pilipinas' kasama ang dating kasamahang si Cheryl Cosim, na dating taga ABS-CBN.
Hindi kagaya ni Kuya Kim Atienza na nag-ober da bakod sa Kapuso Network, tila hindi naman masyadong inulan ng batikos si Julius sa hakbang na ito ng paglipat, dahil maganda ang relasyon ng ABS-CBN at TV5 simula nang mawalan ng prangkisa ang network noong 2020. May ilang mga ABS-CBN shows ang napapanood sa TV5 gaya ng 'FPJ's Ang Probinsyano', 'Marry Me, Marry You,' 'Viral Scandal,' 'La Vida Lena', 'ASAP Natin 'To,' at mga pelikula ni Fernando Poe, Jr. o FPJ. Wika pa nga, ang 'Kapatid' ay 'Kapamilya' rin.
Ngunit lahat ng ito ay nananatiling espekulasyon pa lamang dahil wala pang opisyal na pahayag o pamamaalam si Julius, ang ABS-CBN, o maging pa-teaser ang TV5 tungkol dito.