Aabot sa 300 na batang lansangan o street children ang nakaranas ng isang himalang Pasko sa isinagawang pamamahagi ng Pamaskong Handog ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Open Air Auditorium, Rizal Park, Ermita, sa lungsod ng Maynila nitong Disyembre 25.
"The light in a child’s eyes is all it takes to make Christmas a magical time of the year," pahayag ni NCRPO chief Major General Vicente Danao Jr.
Katuwang ng Team NCRPO ang mga opisyal at tauhan ng Manila Police District sa pangunguna ni Brig. Gen Leo Francisco sa paghahanda sa naturang aktibidad upang ipamalas ang diwa ng Pasko sa pamamagitan ng pagbibigayan at pagmamahalan.
Pinilahan at nasiyahan ang mga kabataan sa isang fishball stand, photo booth, mga laruan, isang mascot at magic show na inilagay sa lugar.
Nagtampok naman ng mga awitin ang NCRPO band habang nagpakita naman ng kahanga-hangang crazy dance move ang RCADD Dancers, PNP Fitness Team at MPD Dancers.
Masayang pinagsaluhan ng mga bata ang ice cream, congee, cotton candy, at taho at nakatanggap pa sila ng pera mula sa pamilya ni RD Danao.
Bahagi din sa aktibidad ang free hair cut (libreng gupit) na pinangasiwaan ng mga tauhan ng Regional Mobile Force Battalion.
Bukod dito nagkaloob ang Team NCRPO ng grocery bags at cash sa 150 na residenteng naninirahan sa riles sa Barangay Tanyag, Taguig City.
Tiwala si Dabao na ang Pasko ay pagbibigayan at pagtulong sa mga nangangailangan kaya taunang isinasagawa ng Team NCRPO ang gift giving upang maghatid ng simpleng saya at ngiti sa mukha ng mga bata.
Bella Gamotea