May 165 party list groups ang mag-aagawan sa nakalaang 63 puwesto sa Kamara para sa halalan sa Mayo 9,2022.
Ayon sa report, 13 pang party list groups ang naghihintay ng aksyon at desisyon ng Commission on Elections (Comelec) hinggil sa kanilang mosyon na ikonsidera ang akreditasyon matapos tanggihan ito samantalang may 107 iba pang party list ang ganap na tinanggihan ng Comelec.
Kabilang sa party list groups na inakredit ng Comelec sa 2022 elections ay ang Gabriela Women’s Party, Coalition of Associations of Senior Citizens in the Philippines Inc., Magdalo para sa Pilipino Partylist, ACT Teachers Partylist, Ang Bumbero ng Pilipinas, BTS (Bayaning Tsuper), Noble Advancement of the Marvelous People of the Philippines Inc., Ang Komadrona, Anakpawis Partylist at Bayan Muna.
Sa resolusyon ng Comelec noong Disyembre 1, inanunsiyo nito ang pangalan ng 165 inaprubahang party list groups at ang 13 iba pa na may naka-pending na apela.
Nilinaw ng Comelec na ang pagsasama sa 13 grupo ay hindi garantiya na sila ay pahihintulutang lumahok sa halalan sa Mayo 9, 2022.
Batay sa mga ulat, ang ilang party list groups ay kinakatawan ng mayayamang tao at hindi ng mga indibidwal na talagang kasapi o kabilang sa mga grupo na kakatawanin nila.
Bert de Guzman