Isa ang patay at isa pa ang sugatan sa isang sunog na sumiklab sa isang residential area sa Mandaluyong City nitong bisperas ng Pasko.

Ang nasawing biktima ay nakilalang si Vener Laygo, 53, at residente ng 141 Pitong Gatang Rev. Aglipay St., Brgy. Old Zaniga habang sugatan naman ang kanyang kaanak na si Anthony Laygo, 48, na nilalapatan na ng lunas sa Mandaluyong City Medical Center.

Batay sa inisyal na report ng Mandaluyong Bureau of Fire Protection (BFP), nabatid na dakong alas-4:55 ng hapon nang magsimulang sumiklab ang sunog sa isang dalawang palapag na residential house sa 141 Pitong Gatang, Rev. Aglipay St., Brgy. Old Zaniga, Mandaluyong City.

Ang naturang tahanan ay pagmamay-ari umano ni Vener at inookupa rin ng kanilang pamilya.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Dakong alas-8:00 na ng gabi nang maideklarang fire under control ang sunog at tuluyang naapula pagsapit ng alas-8:41 ng gabi.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang pinagmulan ng sunog na tumupok sa may humigit-kumulang sa ₱1,125,000 halaga ng mga ari-arian.

Tinatayang aabot sa 112 tahanan ang tinupok ng apoy sa naturang sunog at may 225 pamilya o 900 indibidwal ang naapektuhan nito.

Mary Ann Santiago